Lady cop patay sa ambus

By

Patay ang isang babaeng police makaraang tambangan at pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo sa Sta. Cruz, Manila kamakalawa ng gabi.

Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong bala sa ulo, mukha at sa iba pang bahagi ng katawan ang biktimang kinilalang si PO1 Jorsan Marie Alafriz, 25, nakatalaga sa Barbosa Police Community Precinct.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division, alas-10:20 ng gabi nang mangyari ang krimen sa kanto ng Recto Avenue at Sta. Cruz, Manila.

Sinasabing bago ang krimen, binabaybay ng biktima ang nasabing lugar habang minamaneho ang silver na Mitsubishi G4 GLX Mirage na may conduction sticker na NP 9583 para pumasok sa trabaho nang bigla na lamang itong dikitan ng isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki.

Dito ay bigla na lamang bumunot ang mga ito ng baril at niratrat­ ang biktima na tinangka­ pang tumakas subalit ­dahil sa tinamong bala ay bumangga ang mina­meneho nito sa mga nakaparadang tricycle.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspek habang agad namang sinaklolohan ang biktima at isinugod sa ospital subalit hindi na umabot pa ng buhay.

Sentro ng imbestigasyon ngayon ng Manila Police ang nakuhang footage mula sa CCTV camera sa pinangyarihan ng pananambang kung saan kabilang sa tinitingnang anggulo ang may kinalaman sa operasyon laban sa illegal drugs.

SHARE