Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lacson tandem ibabangon gobyerno sa masamang imahe

0 201

Ibabalik ng Lacson-Sotto team ang tiwala ng sambayanang Pilipino sa gobyerno at bibigyan muli ng panibagong pag-asa ang mga tao na magkakaroon ng magandang pamumuhay sa sarili nilang bansa kapag pinalad na mahalal sa puwesto sa nalalapit na halalan.

“Talagang kailangan bumalik ‘yong pag-iisip na may pag-asa pa tayo. Kasi ‘yan ang sa tingin ko sa maraming kababayan natin parang surrender na e. Para bang, oo, maski sino pa maupo diyan pare-pareho na,” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo.

Naobserbahan umano nila ito ng kanyang running mate na si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa kanilang pag-iikot sa mga probinsya para konsultahin ang iba’t ibang sektor.

“‘Yong mga Pilipino sa tagal ng panahon, alam mo, parang naging dreamless na, naging hopeless, naging helpless. Nakikita na natin `yong mga politikong mga nagmamalabis ay parang `sige na lang kasi pare-pareho naman `yan’,” sabi ni Lacson.

Ang “dedma mindset” aniya ng mga Pilipino sa mga katiwaliang kinasangkutan ng ilang politiko ang nais babaguhin ni Lacson kung siya ang mahahalal na susunod na pangulo sa May 2022 elections.

“‘Pag ganoon ang naging attitude, talagang wala. Wala tayong pag-asa as a country,” sabi pa ni Lacson.

Naniniwala si Lacson na mapapabuti ang buhay ng mga Pilipino at maibabalik ang tiwala at suporta sa gobyerno kung mismong ang mga namumuno ang magiging ehemplo para sa magandang pagbabago.

“Tulad nang sinabi ko, ang number one problem ng bansa natin gobyerno; ang solusyon gobyerno rin. So `pag hindi natin naayos ang gobyerno, hindi natin masosolusyunan `yong mga problema ng bansa,” aniya.

Pinayuhan nito ang mga botante na naging matalino sa pagpili ng matinong kandidato at huwag basta na lamang tataya sa kung sino sa tingin nila ang malamang na mananalo.

“Maging discerning na lang tayo at tingnan na lang natin kung sino `yong karapat-dapat na iboto, hindi `yong sa tingin natin malamang na mananalo. Wala akong tinutukoy kung sino pero, nasa kamay nating lahat. Isang araw lang naman tayong hari — `yong mga botante — samantalahin na natin `yong pagiging hari natin sa araw na `yon, pag-isipan na lang nating mabuti. Basta isipin natin, huwag `yong kung ano-anong interes.” (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.