Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lacson Tandem hahabulin contractor ng mga palpak na kalsada

0 150

Dapat papanagutin ang mga kontraktor at nagsulong ng mga proyektong pangkalsada na agad nawawasak, dahilan para masayang ang milyon-milyong pondo ng bayan, at nagiging sagabal para agad na maihatid sa malalaking pamilihan ang mga agrikulturang produkto mula sa iba’t ibang lalawigan.

Inihayag ito ni Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson kasabay ng pagpuna sa mga kalsada na sementado pero lubak-lubak na bumubungad sa kanila ng running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III tuwing bumibisita sa ilang lugar.

“Dapat habulin. Kasi gastos tayo nang gastos tapos sira kaagad. Tapos sa susunod na taon, ito na naman (budget) appropriation na naman,” sabi ni Lacson.

“Alam ninyo ba kung magkano ‘yong road maintenance, ‘yong preventive maintenance? Pagkalaki-laki. Minsan hundreds of billions of pesos. Bakit kailangan natin lagi ng preventive maintenance samantalang ‘yong road dapat dinesign ‘yan pangmatagalan. Minsan after six months ‘pag ulan ganyan na,” dagdag niya.

Nitong Linggo, nagtungo ang Lacson-Sotto tandem sa Urdaneta City, Pangasinan para maki¬pagdayalogo sa mga tricycle driver at operator. Pagkatapos nito, tumulak naman ang kanilang grupo sa Sta. Rosa, Nueva Ecija kasama ng senatorial aspirant na si dating Agriculture Secretary Manny Piñol upang sumangguni naman sa mga magsasaka.

Sa kanilang biyahe, nasaksihan ni Lacson ang pagdaan sa sira-sirang kalsada na pinondohan aniya ng pamahalaan para sa mas maayos na transportasyon ngunit hindi naging pangmatagalan dahil tila gumamit ng mahinang kalidad ng mga materyales.

“Kanina papunta rito, alam mo naawa ako sa sasakyan namin… parang walang tabon ‘yong ano—pundasyon. Alam ko nadaanan ninyo rin ‘yon. ‘Di ba, lumalagabog ‘yong kotse, anong ibig sabihin?” lahad ni Lacson sa press conference bago ang open forum sa mga magsasaka.

“‘Di ba, dapat ‘yon merong post-audit? Kung ako didiskarte, ibo-boring lang ‘yon e malalaman mo ‘yong substandard ‘yong ginamit,” ayon sa presidential candidate. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.