Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lacson pumalag sa pananakot ng China

0 129

Naghain ng resolusyon si Senador Panfilo `Ping’ Lacson para igiit ang karapatan ng bansa sa Pag-asa Island na parte ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea (WPS) at para gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang malabanan ang pambu-bully ng China.

Inilahad ni Lacson sa kanyang Senate Resolution No. 954 ang pagkondena sa pananatili at pananakot ng mga Chinese maritime vessel sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at iginiit na palakasin at patatagin pa ng pamahalaan ang presensiya nito sa WPS.

Nanawagan din ang senador para sa isang komprehensibong development plan kung saan kasama ang mga kongkretong proyekto upang mapaganda ang buhay at masiguro ang pagdadala ng serbisyo publiko sa lugar.

Sa kanyang resolusyon, ibinahagi ni Lacson na ang Pag-asa Island, na bagama’t isang munisipalidad sa Palawan sa bisa ng Presidential Decree No. 1596 noong Hunyo 11, 1978, ay napaliligiran ng mga Chinese maritime vessel sa kabila ng ating paulit-ulit na diplomatic protest.

Babala rin ni Lacson na kung magpapatuloy ang ganitong gawain ng China ay magiging banta ito hindi lamang sa pambansang interes at territorial integrity ng Pilipinas kundi maging sa kapayapaan at kaayusan ng buong Asia Pacific region. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.