Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lacson ninakawan ng plataporma

0 62

Kumpara sa kanyang mga kalaban sa 2022 presidential election, laging unang nakakaisip at nakahahanap ng mga kongkretong solusyon si Senador Panfilo `Ping’ Lacson sa mga malalang problema ng bansa kaya marahil ginagaya at iniidolo ito maging ng ibang kandidato sa pagka-pangulo.

Ito ang impresyon ni dating Antipolo Rep. Romeo Acop, isa sa mga tagapagsalita ni Lacson bilang presidential candidate ng Partido Reporma, kaugnay sa paglutang ng mga impormasyong kinokopya ng ibang kandidato ang plataporma at programa senador.

Kung kaya’t sinabi ni Acop na bukas ang kampo ng Partido Reporma sa lahat ng iba pang kandidato sa pagkapangulo na tumanggap ng katanungan para madagdagan pa ang alam ng mga nangopya at nanggaya sa plataporma ni Lacson.

“Kung mayroon po kayong mga katanungan sa mga programa ni Ping Lacson na ninakaw ninyo, huwag po kayong mahihiyang magtanong sa amin. Alam po namin ang gagawin,” panawagan pa ni Acop sa ibang kandidato na aniya’y nagmamarunong at nagpapanggap na may alam pero hindi nakikita ang kanilang kalungan.

Partikular na tinukoy ni Acop ang mga plataporma na una nang iprinisenta ni Lacson bago ginaya ng ibang kandidato, tulad ng pagbuhos ng pondo sa research and development.

Gayundin ang digitization sa mga ahensya ng pamahalaan upang masugpo ang korapsiyon at iba pang katiwalian sa mga serbisyo na dapat ay napupunta sa taumbayan lalo ngayong panahon ng pandemya, at mga hakbang para makabangon ang bansa sa problemang dala ng COVID-19 pandemic nang hindi nasasakripisyo ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Ayon kay Acop, mabigat na karangalan ang panggagayang ito “dahil nagsisilbing gabay, batay na rin sa mga balitang inilalabas ng ibang kandidato, ang plataporma at programa para sa bayan ng aking presidential candidate na si Ping Lacson.”

Senyales din aniya ito na maging ang mga kalaban ni Lacson ay kumbinsido sa mga inaalok niyang solusyon sa mga problema ng bansa, dahil sa hindi niya matatawarang karanasan at kakayahan.

“Hindi na bago sa aking pandinig ang pangungusap na `ang panggagaya ay walang ipinagkaiba sa pambobola’,” ani Acop.

Pero sa panahon umano ngayon ay mas marami na ang naniniwalang, “Ang manggagaya ay kamag-anak ng magnanakaw.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.