Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lacson kinalampag DepEd: Paaralan sa Quirino ayusin

0 118

Nanawagan si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Department of Education (DepEd) na kumpunihin ang elementary school building sa bayan ng Nagtipunan na labis na nasira dahil sa paghagupit ng nakaraang bagyo sa probinsya ng Quirino.

Binanggit ito ni Lacson sa town hall meeting kasama ng mga residente sa kalapit nitong bayan ng Maddela. Bago tumungo sa nasabing forum, nakipagkita muna kay provincial Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua si Lacson na nagbalita sa kanya tungkol sa problema.

“Naidaing sa akin ni Governor Dax na may problema [ang] eskwelahan, na hindi maipagawa, pinapasa raw ng DepEd sa local government unit. E wala naman sigurong pantustos ‘yung local government unit,” ayon kay Lacson na tinukoy ang pampublikong eskuwelahan sa Brgy. San Pugo, Nagtipunan.

Wika ng mambabatas na kilala sa mahigpit na pagsusuri niya sa pambansang badyet, may nakalaang pondo ang DepEd para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng eskuwelahan na winasak ng bagyo.

Bukod pa umano ito sa pondo na inilaan para sa last-mile school programs—mga eskwelahan na may mas mababa pa sa apat na silid-aralan, gawa sa sawali, walang elektrisidad o pansamantala lamang na pasilidad.

“So, huwag kayong mag-alala mga taga-Nagtipunan dahil, harinawa, mapakinggan ‘yung ating pakiusap dahil kami makikiusap lamang at alam naming may pondo. Kaya malamang maipapagawa na po ‘yung inyong paaralan na nasira doon sa San Pugo,” pagsisiguro ni Lacson.

“I-fo-follow up po namin ito at ito’y hindi namin titigilan nang kaka-follow up hanggang sa magpadala sila (DepEd) ng maggagawa rito,” dagdag pa ng presidential candidate.

Samantala, tiniyak din ni Lacson ang maayos na pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng mga person with disability (PWD) at ng mga nanay o tatay na solong nag-aalaga ng kanilang mga anak, kung mabibigyan siya ng pagkakataon na mamuno sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.