Una sa Balita

Labor Force Survey

By
0 929

Inilabas na po ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang resulta ng Labor Force Survey (LFS) na ginawa nito noong Enero, 2018.

Sa 70.9-milyong mga Filipinong may edad 15 pataas, 94.7% po ang may trabaho. Samakatuwid, 5.3% lamang ang walang trabaho o ­unemployed.

Di-hamak na mas mababa po ito kumpara sa unemployment rate sa parehong panahon noong isang taon, January 2017, na umabot ng 6.6%.

Ibig sabihin, dumami po ang nagka-trabaho. Kung magtutuloy-tuloy ang mga proyekto at magtitiwala ang mga mamumuhunan sa bansa, hindi po talaga imposibleng mapababa pa natin ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho.

Hindi po ito malayong mangyari lalo na’t nitong nakalipas na linggo, naiulat po ng isang web-based magazine na US News & World Report na nanguna ang Pilipinas bilang “Best Country to Invest In” sa buong mundo.

Dalawang malala­king proyektong pang-imprastruktura po ang pinasinayaan noong Enero, ang New Clark City sa Pampanga at ang Malolos-Tutuban Train. Bahagi po ito ng Build, Build, Build Program ng pamahalaan. Ang ibubu­nga po ng ganitong mga proyekto – Jobs, Jobs, Jobs para sa mga Filipino.

Araw-araw at halos sabay-sabay po ang ating mga Job Fair sa iba’t ibang probinsya, patunay na marami po talagang trabahong naghihintay sa mga Filipino. Sa katunayan, ilan lamang po sa mahabang listahan ng iskedyul ng Job Fair ang nailalathala natin dito sa ating kolum.

Ang mga Job Fair po ang nagsisilbing tulay ng ating mga kababayan sa mga employer. Noong ika-5 ng Marso, may 102 jobseeker ang hired on-the-spot (HOTS) o agad natanggap sa trabaho sa Job Fair na ginawa sa La Union kung saan halos 5,000 trabaho ang in-offer sa mga aplikante.

Noong huling linggo ng Pebrero, mahigit 130 indibidwal ang agad ding nabigyan ng trabaho sa Job Fair ng DOLE sa Quezon City Hall kung saan umabot sa 16,000 ang mga job vacancies.

Layunin po nating mapababa ang ating unemployment rate at mabigyan ng trabaho at oportunidad ang ating mga kababayan.

Ito po ang dahilan kung bakit isinusulong natin ang Senate Bill No. 1431 o ang “Tulong-Trabaho Act”. Pumasa na po ito sa Senado at kapag tuluyang naging batas, magsisilbi po itong pondo sa paglikha ng trabaho at pondo rin sa patuloy na pagsasanay ng ating mga manggagawa.

Indikasyon po ang Labor Force Survey sa pagbuti ng trabaho sa bansa. Sa paglakas ng ating ekonomiya at pagdagsa ng mga oportunidad at trabaho lalo na sa mga lalawigan, una pong dapat makinabang ang ating mamamayan.

***

Job Fair Schedule
La Filipina Tagum City Mini Job Fair, Brgy. La Filipina Gymnasium, Tagum City
March 13
Holy Cross of Davao College
Sta. Ana Ave., Cor. C. de Guzman St.,
Brgy. 14-B, Davao City
March 14
8th Panagyaman Festival Job Fair
Municipal Plaza, Poblacion 2, Pura, Tarlac
March 15 Colegio de Dagupan.
(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)