Una sa Balita

Labi ng OFW na itinago sa septic tank sa SoKor darating ngayong linggo

By
0 1,021

Inaasahan ngayong linggo ay maiuuwi na ang mga labi ng 34-anyos na si Angelo Claveria sa kanyang bayan sa Cabatuan, Iloilo mula sa South Korea.

Si Claveria ay nagtrabaho bilang metal cracker sa South Korea noong 2014 at iniulat na missing noong 2015. Nakita ang kanyang kalansay sa septic tank nitong Abril lamang.

Sinabi ni Jeanette Claveria, ang nakababatang kapatid ni Angelo, na inaayos na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga kailangan na dokumento para sa pagpapabalik sa mga buto ng kanilang kapatid.

Binigyan-din ng Special Power of Attorney (SPA) o awtorisasyon ng ina ni Angelo si Glenn Corpin, Assistance to Nationals Officer at Attaché ng Philippine Embassy sa South Korea, na iproseso ang repatriation.

Ipagbibigay-alam na lamang ng OWWA sa pamilya ang mga detalye ng repatriation at hindi na nila kailangan pang pumunta sa Manila kundi hihintayin na lamang nila ang labi ni Angelo sa Iloilo International Airport.

Samantala, ang benepisyo ng OWWA kay Angelo ay gagamitin para sa kanyang libing at ang anumang matitirang ha­laga ay pupunta sa kanyang mga magulang.

Ang mga suspek sa pagpatay kay Angelo ay na pawang mga Filipino. Lumabas sa imbestigasyon na nilimas ang pera at mga kagamitan ni Angelo, maging ang pera niya sa bangko na nagkakahalaga P60,000.

Batay sa report ng embahada sa South Korea nakauwi na sa Pilipinas ang mga dating kasamahan sa trabaho ni Claveria na pawang mga factory wor­ker.