Una sa Balita

Labanan ng rookie: Ildefonso angat kay Cansino

By
0 595

Mga Laro Ngayon:
(Mall of Asia Arena)
12:00 nn. – FEU vs DLSU
4:00 p.m. – Ateneo vs Adamson

HUMUGOT ng lakas si National University head coach Jamike Jarin sa kanyang rookie na si Dave Ildefonso upang sakmalin ang University of Santo Tomas, 75-70, kagabi sa simula ng 81st UAAP basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ibinangga ng Bulldogs ang magkapatid na sina Dave at Shaun Ildefonso upang pigilan ang pambatong rookie rin ng Growling Tigers na si Crispin John Cansino.

Kumayod si Dave ng 19 points at pitong rebounds habang 10 untos at 11 boards ang inambag ni Shaun para ilista ang 1-0 karta ng NU.

Ang magkapatid na Ildefonso ay mga anak ni two-time Philippine Basketball Association MVP Danny Ildefonso.

Nagtala si Cansino ng 20 markers at 10 rebounds pero hindi sumapat para ipanalo ang Growling Tigers na may 0-1 karta.

Samantala, nagwagi sa unang laro ang University of the Philippines sa University of the East, 87-58.

Nagkutsabahan sa opensa sina Bright Akhuetie, Juan Gomez De Liano at Jun Manzo upang isalo agad sa tuktok ng team standings ang Fighting Maroons.

Bahagyang nangapa ang Katipunan-based squad UP sa unang dalawang periods kung saan tabla ang iskor sa 33.

Subalit uminit ang opensa ng Fighting Maroons sa second half kaya madali nilang nakuha ang unang panalo.

Kumana si De Liano ng 16 points, pitong rebounds at anim na assists habang bumakas si rookie Akhuetie ng 15 puntos, 18 rebounds at dalawang assists. (Elech Dawa)