Una sa Balita

Laban para sa sambayanan

0 416

Dalawang linggo na nang magsimula ang enhanced community quarantine sa ating bayan para labanan at wakasan ang COVID-19 sa bansa. Ngunit sa panahong ito, patuloy ang pagtatrabaho ng ating mga health worker at frontliner. Maliban sa dumadaming pasyente at kliyente na dulot ng sakit, kalaban din nila ang kawalan ng masasakyan, mabibilhan ng kagamitan, makakainan, at pati na minsan ang matutulugan.

Kaya’t sa loob ng dalawang linggo, puspusan ang pagtatrabaho ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pangunguna ni VP Leni Robredo para matugunan ang mga problemang ito.

Nagsimula tayo sa pagkalap ng mga donasyon para makabili ng mga personal protective equipment (PPE) na kailangan ng ating mga frontliner. Sa patuloy na pagtaas ng dami ng mga person under investigation (PUI) na maaaring tinamaan ng COVID-19, patuloy din ang pagtaas ng pangangailangan sa halos lahat ng ospital para sa mga PPE. Sa tulong ng iba’t ibang partner ng Angat Buhay program ng aming opisina, kami po ay nakapagbahagi na ng hindi bababa sa 68,449 na PPE set para sa 4,563 frontliner. Kakaramput pa lang ito kumpara sa napakarami pa nating mga kababayang patuloy na nagbubuwis ng buhay para lang makatulong sa bayan.

Maliban sa pamimigay ng mga PPE, sinimulan din namin ang free shuttle service para sa mga frontliner. Kami po ay tinulungan din ng Angat Buhay partner at nagkaroon kami ng mga bus na kasalukuyang nagagamit para maghatid at magsundo sa ating mga kababayang walang masakyan papunta sa mga ospital kung saan sila nagtatrabaho. Araw-araw, iba-ibang ruta ang dinadaanan ng mga free shuttle service ng OVP: mula Cainta hanggang Quezon City, hanggang makarating ng Pasay. Lahat ito para mailapit ang ating mga health worker sa kani-kanilang mga ospital.

Sa pagdagsa ng mga nangangailangan ng transportasyon, ang pagbubukas ng dorm para sa ating mga health worker at frontliner ay isa ring mabisang paraan para makatulong sa ating sitwasyon. May kuwento rin ng diskriminasyon na nararanasan ng ating mga health worker kaya namin naisipan buksan ang ganitong proyekto.

Nagbabahagi rin kami ng food and care package sa ating mga frontliner, dahil batid namin ang kakulangan ng mga mabibilhan ng pagkaing kailangan nila, hindi lang para makapagtrabaho ng wasto at tama, kung hindi para maprotektahan din ang sarili laban sa sakit. Sa kasalukuyan, 10,124 frontliner na ang naabutan namin ng mainit na pagkain na nagsasabing kami’y nagpapasalamat, at kami’y patuloy na sumusuporta.

Ilan lamang ito sa mga bunga ng bayanihang buhay na buhay sa puso ng bawat Pilipino. Makakaasa po kayo na patuloy ang aming serbisyo sa bayan, hindi dahil trabaho ito: dahil ito ay tama at nararapat, at ito ay responsibilidad natin sa bawat isa.

Napakarami pa nating kailangang gawin para sa ating kapwa—hindi lang para sa mga frontliner at health worker — kung hindi para sa bawat kamag-anak, kapitbahay, kaibigan, katrabaho, at kahit na iyong hindi natin kakilala. Gaya ng bawat doktor, nars, iyong mga nasa pamilihang bayan o grocery na patuloy na pumapasok sa trabaho, pati na iyong mga rider na naghahatid ng pagkain at kung anu-ano pang bilihing diretso sa iyong pinto: tuparin natin ang ating tungkulin bilang Pilipino. Gawin ang tama: manatili sa bahay, mag-self quarantine (tapusin ang 14 na araw) kapag nakaramdam ng hindi tama, at tumawag sa kinauukulan kapag may sintomas.

Tandaan po natin na walang maliit na kontribusyon sa ganito kalaking pandemya. Lahat tayo lumalaban para sa ating sambayanan.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More