Una sa Balita

Laban o bawi

By
0 79

Tulad noong buwan ng Disyembre, tumagal lang ng dalawang araw ang driver-only car ban sa kahabaan ng EDSA.

 
Umalma ang mara­ming motorista sa implementasyon ng programa na pinagtibay ng Metro Manila Council at ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority.

Kaliwa’t kanan ang reklamo ng mga motorista nang ipinatupad ang dry run noong Miyerkoles. Medyo lumuwag ang traffic sa kahabaan ng EDSA sa unang araw ng dry run pero hindi puwedeng ma-attribute lang sa driver-only car ban dahil isinabay ang pagbaba­wal din sa pasada ng mga provincial bus sa EDSA.

 
Sa resolusyon ng Senado, nagkakaisa ang mga senador na suspendihin ang driver-only car ban sa EDSA. Walang due process at walang public consultation at basta na lang umano ipinatupad ang pagbabawal sa single-occupancy vehicle. 

Maganda ang layunin ng programa pero mali ang implementasyon. Ipinatupad na ito noon ng MMDA at mismong ang ahensiya ang umamin na minimal ang ibinawas ng traffic sa EDSA at mahirap matukoy kung sino-sino ang mga ­‘single’ sa EDSA.

Nang ipatupad ang programa noong December o ang high occupancy vehicle (HOV) lane policy sa EDSA, pangunahing problema ng mga MMDA traffic enforcer na matukoy ang mga driver-only car na bumibiyahe dahil karamihan sa mga sasakyan ay heavily tinted.

 
Base sa pag-aaral ng MMC at MMDA, kung pagbabawalan ang mga single-occupancy vehicle, 70 percent ng mga sasakyan ang mababawas sa EDSA tuwing rush hour mula 7am-9am at 6pm-9pm.

Ang tanong, saan dadaan ang 70 percent na mga sasakyan na ‘itataboy’ sa EDSA sa oras na implemented ang ban on single-occupancy vehicle sa EDSA? 

Sinasabi ng MMC at MMDA, puwede dumaan sa mga alternate route huwag lang sa EDSA. Ang problema, mas marami ring problema sa mga alternatibong kalsada – illegal parking, tambak ang mga tricycle sa masisikip na kalsada, prone sa baha at iba pa.

Ipinasa lang ng MMC sa MMDA ang sisi ng mga motorista dahil kung tutuusin, responsibilidad ng mga local government unit sa Metro Manila na ayusin ang problema ng traffic, baradong kalsada dahil sa problema ng illegal parking at iba pa sa kani-kanilang nasasakupan. 

Sa totoo lang, panahon na para ipatupad ang mga programa para sa mabago ang mass transport system sa bansa. Ituloy ang rehabilitas­yon ng MRT, LRT at ang nakatenggang railway system ng PNR. Isama na rin ang phase-out ng mahigit sampung taon na mga sasakyan. 

Kung maganda ang mass transport system sa bansa partikular sa Metro Manila, hindi maoobliga ang mara­ming mamamayan na magdala o bumili ng sariling sasakyan. 

Sabi nga ni Gustavo Petro, isang economist, “a developed country is not a place where the poor have cars. It’s where the rich use public transportation.”