Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Laban Leni!

0 146

Kahapon, nagdeklara ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo si Leni Robredo. Walang gimik, walang drama, at lalo namang walang panggulat na text mula sa emergency frequency ng NDRRMC. Naglaan lamang siya ng ilang minuto para sa kanyang mensahe, bago bumalik sa pagtatrabaho. Kahit sa araw ng deklarasyon, busy presidente pa rin.

Marami ang pumuri sa kanyang mensahe ng pag-asa. Aniya, mangyayari lamang ang tunay na pagbabago kung itatakwil ng mga Pilipino ang luma at bulok na klase ng pulitika. Makakabangon lang ang bansa kung gagawin ng pamahalaan ang dapat lang nitong ginagawa: ang maglingkod sa sambayanan.

Alam ng sinumang nakakikilala at sumusubaybay kay Leni Robredo na hindi ito mga palipad-hangin na salita lamang. Mula pagka-abogado, hanggang sa Kongreso, hanggang sa pagiging pangalawang pangulo, hindi niya binigo ang mga nagbigay sa kanya ng tiwala. Hindi niya kinompromiso ang kanyang mga prinsipyo, kahit pa ginawa nitong mas mahirap ang pagpapatupad ng mga programa. At kahit ginigipit, binabalasubas, at binabarat sa pondo at kapangyarihan, hindi siya tumigil sa pagtulong sa mga nangangailangan. Patunay nito ang tagumpay ng mga proyekto niya tulad ng Angat Buhay, ayuda, medical at livelihood assistance, disaster relief, pailaw, classrooms at dorms, Vaccine Express, Swab Cab, Bayanihan e-Konsulta, Bayanihan e-Skuwela, TrabaHOPE, Community Marts, free shuttle services, libreng PPE, at napakarami pang programang naging sandalan ng Pilipino sa panahong tila nalimutan na sila ng pamahalaan.

Kaya hindi na rin nakapagtataka kung bakit bumaha ng kulay pink sa social media at sa mga gusali at institusyon matapos niyang magdeklara ng kandidatura. Nabuhayan ng loob ang mga dating nawalan na ng pag-asang magbabago pa ang siwasyon sa Pilipinas. Ang mga dating tahimik at nakontento na lang sa pagmamasid sa mga nangyayari sa politika, walang takot at buong pagmamalaking sumigaw ng #LabanLeni2022.

Sa tingin ko, magiging katulad ng nagdaang mga taon ang kampanya ni Leni Robredo. Dahil sa makinarya at propaganda ng mga tiwali, magsisimula na nahihirapan, at tila napag-iiwanan. Pero sa tulong ng mga kapwa niya Pilipinong nagmamalasakit sa bansa at sa kanilang kapwa, makakamit ang tagumpay.

Lalaban ako, lalaban tayo. Ito ang sabi ni Leni Robredo. At sinalubong ito ng palakpakan, talunan, at hiyawan ng mga Pilipinong nandoon sa harap ng kanyang opisina, o nanonood sa kanilang laptop at mobile phone, o kaya nakatutok sa telebisyon at radyo. Natahimik ang mga troll, pati na ang mga nagpapasuweldo sa kanila. Ni hindi man lang nakapagtipa ng “anak ng fuchsia” sa comments section.

Leave A Reply

Your email address will not be published.