Una sa Balita

Laban-bawi sa Barangay at SK elections

By
0 25

Wala pang 100 porsiyentong indikasyon kung matutuloy o tuluyan nang ipagpapaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na buwan ng Oktubre.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, nasa balag pa rin ng alanganin ang kapalaran ng mga incumbent barangay officials.

Nangangapa rin aniya ang poll body sa magiging desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung ipagbabaliban ba o hindi ang halalan.

“Hindi po rin namin talaga alam, so ngayon po ay nag-aantay kami kung ano ang magiging aksyon ng ating Kongreso kung itutuloy ang darating na barangay at SK elections o ipapagliban ulit,” ani Bautista sa isang panayam sa radyo.

Iginiit ng poll chief na anuman ang magiging pasya ng mga mambabatas ay igagalang ito ng poll body.

“Kung ang magiging pasya ng liderato pulitikal ay hindi, okay din naman sa atin ‘yun,” giit ni Bautista.

Sa kabilang banda, umaasa si Bautista na sakaling i-postpone ang barangay at SK elections ay hindi ito ilalapit sa May 2019 midterm elections.

Inaantabayanan ng Comelec ang ilalabas na desisyon ng Kamara sa Agosto 15.

“Kung ang magiging desisyon ng ating liderato ay ipagpaliban, okay lang naman sa amin basta huwag masyadong malapit sa May 2019 midterm elections,” panukala ng opisyal.