Una sa Balita

Lab tests para sa mahihirap libre na – Palasyo

By
0 2,281

Pinalawig ng gobyerno ang sakop ng ‘Libreng Gamot Para sa Masa’ program na pinondohan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng P1 bilyon.

Inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na bukod sa libreng gamot ay libre na rin sa mga piling pampublikong ospital ang prosthetics, assistive devices, laboratory procedures at iba pang gamit pangmedikal na dati ay ipinabibili pa sa mga pasyente bago sila gamutin.

Karaniwang reklamo ng mga mahihirap na pasyenteng nagpapagamot sa mga ospital ng gobyerno ang mahal na bayad sa laboratoryo gayundin sa heringgilya at mga gamit na pang-dextrose ay ipabibili muna sa kanila bago sila gamutin.

Sinabi ni Roque na inatasan ng Pa­ngulo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pangasiwaan ang implementasyon ng programa sa 19 na ospital ng gobyerno.

Tatawagin na ang programa bilang ‘Lingap at Gabay para sa May Sakit’ mula sa dating ‘Libreng Gamot Para sa Masa’.

Nabatid na simula Nobyembre 2017 hanggang sa kasalukuyan ay mahigit P381 milyon pa lang ang nagagamit para sa mga mahihirap mula sa P1 bil­yong pondo na ibinigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at P37,407 na mga pasyente pa lamang ang natutulungan sa libreng gamot.