Una sa Balita

La Viña ipinuwestong Tourism Usec

By
0 2,086

BINIGYAN ng panibagong puwesto sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinibak na opisyal ng Social Security System na si Jose Gabriel Pompei La Viña.

Sa inilabas na listahan ng mga bagong appointee ng Malacañang, hinirang ng Pangulo si La Viña bilang Undersecretary ng Department of Tourism.

May petsang Abril 24, 2018 ang appointment ni La Viña na pirmado ni Pangulong Duterte.

Matatandaang si La Viña ay dating SSS commissioner ngunit hindi ni-renew ang serbisyo nito noong Hunyo 30, 2017.

Mismong si Presidential Spokesman Harry Roque ang naglabas ng impormasyon na humihingi ang dating opisyal ng P26 million budget at P1.6 million para sa kanyang media project na parehong ibinasura ng SSS, bukod pa sa hirit na bigyan ng accreditation ang pitong broker para humawak ng mga SSS investment.

Sa isang text message, sinabi ni Roque na may karapatan ang Pangulo kung sino ang mga itinatalaga nito sa puwesto.
Samantala, itinalaga naman bilang bagong Undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources si Benny Antiporda na dating board director ng Subic Bay Metropolitan Authority.

Hinirang din ng Pa­ngulo sa puwesto sina Rosario Sagadal at Agnes Lucero Degrano bilang mga commissioner ng National Labor Relations Commission.