Una sa Balita

Kuya pinagsasaksak ng lasing na utol

By
0 446

NASA malubhang kalagayan ang isang construction worker nang pagsasaksakin ng naka­babatang kapatid sa Valenzue­la City kahapon nang madaling-araw.

Ginagamot ngayon sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) si Daniel Bantayan, 22-anyos, naninirahan sa S. Feliciano St., KKK, Brgy. Ugong ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabils namang naaresto ang suspek na si Kyle Banta­yan, 19, na kasamang nakatira sa bahay ng kanyang kuya.

Sa salaysay ng witness na si Manlapaz, kapitbahay ng magkapatid, bandang alas-dos nang madaling-araw nang magising siya dahil sa ingay na nagmumula sa inuupahang bahay ng mag-utol sa naturang lugar.

Bumangon si Manlapaz at pinuntahan ang bahay ng magkapatid na Bantayan at nakita nito na nagsusuntukan na ang dalawa.

Ayon pa sa pahayag ng saksi, mga nakainom daw ang magkapatid kaya inawat niya na hindi niya alam ang pinag-awayan ng mag-utol.

Hindi daw nagpapigil ang dalawa at itinuloy ang buntalan kungsaan, nagtungo sa kusina si Kyle at saka kumuha ng patalim at inundayan ng mga saksak ang nakatatandang kapatid.

May kapitbahay na tumawag ng pulis kaya nahuli ang batang Bantayan.

Kinasuhan ng frustrated homicide sa Valenzuela City Prosecutor’s Office ang suspek.