Una sa Balita

KuwentoBus palaganapin

0 197

Nakakagulat ang balita na ang mga batang Pinoy ay kulelat sa reading survey ng 2018 Programe for International Student Assessment (PISA), ginawa sa 600,000 estudyanteng 15-anyos mula sa 79 bansa. Linawin natin na ito ang unang taon na sumali ang Pilipinas para malaman kung ano ang standing ng mga Pinoy kumpara sa ibang bansa.

Ang resulta? Kulelat ang Philippines sa reading comprehension, at second lowest sa science at mathematics.

Paano nangyari eto?! Matagal na panahon, ipinagmamalaki natin ang ating sistema ng edukasyon na may impluwensiya ng España at Amerika.

Sa resulta ng PISA, ang score natin sa reading­ ay 340 puntos. Ang average score ay 487 samantalang 555 puntos ang pinakamataas na naitala ng mga bata sa Tsina.

Ayon rin sa resulta, 25% ng mga estud­yanteng Pinoy ang nahihirapan sa pagbabasa, sa pagkuha sa main idea ng binabasa, at pagtagpi-tagpi ng mga impormasyong mula sa kanilang binabasa.

Ang inyong lingkod ay isang teacher by profession; pumasa po tayo sa National Teachers­ Board Exam noong 1980. Naging Assistant Professor po tayo sa isang kilalang uni­bersidad ng Pilipinas, at natalagang acting principal sa isang paaralan sa Mariveles, Bataan. Kaya malaking gulat sa atin ang balitang ito.

May mga nagdududa sa nasabing survey, pero walang mabuting idudulot ‘yan. Dapat ay harapin natin, lalo na ang mga kinauukulan, ang resulta at gumawa ng mga hakbang para sa ikabubuti ng ating mga mag-aaral. Ang survey ay ginagawa tuwing 3 taon; sapat na pana­hon para sa tamang preparasyon.

Sinabi ni Frederick Sotto Perez, presidente ng Reading Association of the Philippines, na importante ang pagkakaroon ng mga libro at iba pang babasahin, lalo na sa mga lugar na mahina ang internet.

Maari ring palaganapin ang pagbabasa tulad ng ginagawa ng KuwentoBus ni Georgia Limcaoco sa Laguna. Dapat na punuin ng mga babasahin ang mga public library at bigyan ng access ang kabataan sa pamamagitan ng mga literary projects at book reading program.

Noong nagtuturo tayo sa Bataan, pinuno natin ng babasahin ang library at pinayagan ang mga estudyante na mag-uwi ng mga pocket books. At nakita natin ang pagtaas ng reading score ng aming mga mag-aaral sa SRA Reading Laboratory at sa NCEE exams.

Kaya’t kung marami kayong babasahin sa bahay na nakakalat lamang, tulad ng mga pocket books, trade magazines, textbooks, bakit hindi ninyo dalhin sa pinakamalapit na public school at i-ambag ang mga ito sa library?

Umaasa naman tayo sa ating Kagawaran ng Edukasyon na gumawa ng mga nararapat na programa, at sa Kongreso at Senado para sa sapat na pondo upang bigyan lunas ang problemang ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More