Una sa Balita

Kuweba, talon experience subukan n’yo sa Bulacan!

0 130

Pangalawang paglalakbay na natin ito mga ka-Trip Mo, Trip Ko ngayong taon. Kaya naman ibabahagi ko sa inyo ang isa sa mga malapit na probinsya sa aking puso at hometown ko.

Kaya tara na! Ating lakbayin ang probinsyang puno sa ganda ng kalikasan at kasaysayan.

Ito lang naman ang probinsyang hindi mauubusan ng puwedeng puntahan ng mga turista at kahit ng mga Pinoy. At sobrang daling mapuntahan ng mga nagbabalak ng tahimik at mga gustong mag-relax pagkatapos ng sobrang hectic at toxic na trabaho sa Manila.

Maaari kayong magbus o ‘di kaya naman magbiyahe gamit ang inyong sariling saksayan papunta sa probinsya ng Bulacan.

Halos lumaki rin ako dito sa probinsya ng Bulacan sa bayan ng San Jose Del Monte kaya naman mulat ako mga ka-Abante sa kultura ng lugar na ito.

Noong panahon ko ay madalas kami sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine sa Tungkong-Mangga Road na madalas puno ng tao at hindi mahulugang karayom tuwing Mahal na Araw. Isa ito sa mga talagang binibisitang Iglesya ng mga Pinoy. Maliit pa lamang ako naabutan ko na ang paggawa ng istraktura ng simbahan na napakalaki at aabutin kayo ng halos isang oras sa pag-iikot sa kanilang station of the cross. Isa ito sa mga marka ng isang Bulaceño ang pagiging relihiyoso at relihiyosa.

Isa naman sa pinakagusto kong pinupuntahan ay ang Verdivia Falls kung saan sobrang lamig at linaw ng tubig dahil ang lugar na ito ay virgin pa at ina­alagaan talaga ng probinsya. Kaya naman kung kayo ay pagod sa trabaho o sa eskuwela, dito ang isa sa mga marerekomenda ko sa inyo dahil kahit maghapon kayo dito ay walang problema lalo na sa mga umiiwas mangitim dahil sa dami ng puno dito hindi kayo mabibilad sa araw. Ito ay matatagpuan sa Barangay Talbak, Doña Remedios Trinidad.

At kung gusto ninyo ng malapit-lapit na aakyating bundok, ito naman ang irerekomenda ko sa inyo­ — ang Mt. Gola at Mt. Manalmon na matatagpuan sa Biak na Bato National Park. Kaya naman ang mga mountaineer ay hindi pinalalagapas na akyatin ang dalawang bundok na ito. Ang mga bundok na ito ay gina­wang heritage na rin ng probinsya dahil na rin sa kasaysayang naganap dito. Ito naman ay matatagpuan sa San Miguel Bulacan.

Sa aking kaalaman mayaman din talaga ang probinsya sa mga magaganda at nakamamanghang kabundukan, mga talon at siyempre hindi mawawala ang mga kuweba. Huwag ninyo palalagpasin na pumunta at maranasan ang pagpasok sa kuwebang pinagtaguan ni Heneral Emilio Aguinaldo, ito ay ang Pinagrealan Cave na matatagpuan sa Brgy. Minuyan, Norzagaray. Naalala ko pa nu’ng high school ako mahilig na talaga akong pumunta sa mga lugar na alam kong makakadagdag ng magandang experience sa akin at isa ito sa hindi ko malilimutang kuweba dahil nga hindi pa ito masyado kilala sa mga turista noon, kaya naman wala kaming guide papasok kung hindi kami lang magkakaibigan. Pagpasok pa lang namin tumambad na sa amin ang madilim ngunit makinang na dingding at sobrang lamig na temperatura sa amin.

Siyempre ang pinaka-exciting sa lahat ay nang kami ay lumusong sa tubig na sobrang lamig, hindi alintana kung ano ang mga tatambad sa a­ming nila­lakaran, kung anong mga uri ng lamang tubig ang nandoon dahil na rin sa madilim nga. Pero masasabi kong sulit ang punta dito dahil sa kakaibang experience.

Ang dami ko pang gustong ibigay sa inyong destinasyon na puwedeng puntahan dito sa Bulacan ngunit sigurado akong hanggang bukas pa tayo matatapos. Isa lang ang sinisigurado ko sa inyo, sulit ang effort ninyong bumiyahe at maglibot dito.

Isa sa mga sikat at ipinagmamalaking pagkain ng probinsyang ito ay ang Norzagaray’s Crispy Pata, at ‘yung chicharon, ang sarap! Meron din silang chicken kinulob na itik/manok, ito ay tradisyunal na niluluto sa palayok na may mga sangkap ding atay at sinasabayan ng kalamansi para sa sawsawan.

Ayan mga ka-Abante isa na naman lugar ang ating napuntahan. Isang masagana at masayang Sabado sa inyong lahat. Tandaan po natin: Mahalin at tangkilikin natin ang sariling atin.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy