Una sa Balita

Kupit, kabig sa COVID-19

0 906

Kapag ganitong may matinding kalamidad mga tsong, hindi lang ang mga matulungin ang naglulutangan, kung hindi maging ang mga buraot na mapagsamantala.

Kinikilig sa tuwa ang mga kurimaw natin sa sobrang paghanga sa mga karaniwang tao, mga celebrity, mga negosyante at mga nasa pribadong sektor na gumagawa ng kani-kanilang paraan para makatulong sa mga ordinaryong tao na naapektuhan sa enhanced community quarantine; at maging sa mga tinatawag nating “frontliners” tulad ng mga duktor, nurse, sundalo, pulis at iba pang nasa labas ng kani-kanilang bahay para gampanan ang kanilang tungkulin.

Sino ba naman ang hindi bibilib kung makikita mo na may mga karaniwang tao na namamahagi ng pagkain o mga gamit na pangproteksyon sa coronavirus o COVID-19 sa mga taong gipit na gipit. Dapat ding saluduhan ang mga kumpanyang hindi pinabayaan ang mga kawani nila at hindi na hinayaang maghirap pang maglakad papunta sa trabaho.

Eh ang mga lokal na opisyal na gaya ng mga gobernador, alkalde o kapitan ng barangay, dapat din bang purihin mga tsong sa mga ginagawa nilang hakbang para protektahan ang kanilang mga kababayan? Aba’y siyempre naman. Kaya lang, hindi kasing lakas ng palakpak na dapat ibigay sa mga nasa karaniwang tao.

Bakit? Kasi , trabaho talaga nila ang kumilos at umaksyon sa ganitong pagkakataon dahil hiningi nila sa mga tao ang hawak nilang posisyon noong panahon ng eleksyon. Aba’y subukan nilang magtulog-tulogan kung hindi katakot-takot na pambabatikos at panlalait ang makukuha nila sa kanilang mga nasasakupan.

Walang banggitan ng pangalan, isang mayor ang kabi-kabila ang papuri dahil nakikita ng mga tao na napaka-aktibo niya sa panahon ng krisis. Habang may isang mayor naman na madalang na makita sa mga balita at social media kaya ayun, katakot-takot na batikos sa netizens ang inabot niya.

Ang matindi, nang magpakitang-gilas naman ang binatikos na mayor at inilabas pa ang video sa social media na namimigay siya ng relief goods, katakot-takot na puna pa rin ang inabot niya. Bakit? Kasi naman, namigay siya ng relief goods sa isang komunidad na may gate ang mga bahay at may isang tindahan pa na mga ulam ang tinda.

In short, mali ang pakulo ni mayor. Ang dapat, doon siya sa lugar na mga barung-barong ang bahay para naipakita niya na ang mga inuna niya eh iyong talagang mga walang-wala. May tauhan kaya si mayor na gusto siyang ma-bash? Aba’y alamin niya.

Kung tutuusin, ang ginawang house-to-house na pamimigay ng relief goods ni mayor eh trabaho na dapat ng kapitan ng barangay. Pero dapat ding bantayan mga tsong ang mga barangay captain sa ganitong panahon dahil puwede ring gumawa ng kalokohan ang mga iyan. Dahil idineklara ang state of calamity sa bansa, may pondo silang maaaring gamitin. Kung saan nila gagamitin, iyan ang dapat na bantayan.

Baka kung ano-ano ang kanilang bibilhin at papatungan ng kung ano-anong presyo para may makupit at makakabig sila. Kahit ang mga ahensiya ng gobyerno na inatasan na maglabas ng pondo para bumili ng gamit sa paglaban sa COVID-19, pangtulong sa mga taong naapektuhan ang kita dahil sa community quarantine, dapat bantayan din at tiyakin na mapupunta at gagamitin sa tama at hindi sa bulsa ng ilang opisyal.

Hindi rin dapat palampasin at dapat hulihin ang mga mapagsamantalang nagbebenta ng mga face mask, alcohol at thermal scanner na ubod nang mahal ang presyo. Pero bakit nga ba hanggang ngayon eh wala ka pa ring mabiling face mask sa malalaking botika at sa mga malalaking tindahan. Nahaharang kaya ang mga produkto na para sa kanila o may kalokohan ding nagaganap?

Ano kaya ang dapat gawin sa mga mahuhuling opisyal na mangungupit sa pondo na pangtulong sa mga tao, at mga mapagsamantalang nagtitinda ng face mask at iba pa? Sabi ng ating mga kurimaw, patulungin sila sa ospital na may COVID-19 patients pero hindi sila dapat na pagsuotin protective gear. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More