Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kung walang COA: Kanya-kanyang kupit, kurakot – Ping

0 165

Saludo si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa mga auditor ng pamahalaan sa pagiging listo at maagap na pagsuri sa mga kahina-hinalang transaksiyon sa ilang ahensiya ng gobyerno na posibleng mauwi sa korapsiyon.

Kung walang Commission on Audit (COA) na nag-uulat ani Lacson ay malayang-malaya ang mga tiwaling opisyal sa pag-abuso at paglustay sa limitadong pondo mula sa kaban ng bayan.

“Imagine a country without state auditors… kanya kanyang kupit, kanya kanyang kurakot,” sabi ni Lacson sa kanyang Twitter.

Binanggit ni Lacson ang pagsilbato ng COA sa ilang kaduda-dudang transaksiyon hindi lamang sa Department of Health, kundi maging sa ibang ahensiya na kinabibilangan ng Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pa.

Binigyang-diin ni Lacson na ang COA ay isang independent constitutional body na may mandato na dapat tuparin.

Sa aspekto aniya ng pagiging bukas sa lahat, may karapatan ang mga Pilipino lalo na ang mga nagbabayad ng buwis na malaman kung paano ginagastos ng pamahalaan ang pera nila.

Sa panayam ng DCG FM na nakabase sa Quezon, pinahalagahan ni Lacson ang hindi pabago-bagong paninindigan bilang susi ng matinong pamamahala at pagwaksi sa korapsiyon.

“The key is consistency. If you have one standard for friends and allies, and another one for everyone else, you won’t succeed,” sabi ni Lacson.

“I cannot get tired from stressing this: our biggest problem is bad governance. But the solution also lies in good go­vernance,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.