Una sa Balita

Kung hindi Tserman, si Kagawad ang kumakana

By
0 790

Dahil nalalapit na ang eleksiyon sa barangay, ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government sa Philippine National Police na i-recall ang mga pulis na itinalaga bilang ‘security detail’ sa mga opisyal ng barangay.

Mahirap na baka magamit pa ni chairman sa politika si mamang pulis.

Ayon sa DILG, mas kakailanganin ang mga pulis sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng mga komunidad sa panahon ng kampanya at sa araw ng eleksiyon.

Sa halip nga namang gawing personal na badigard ni chairman, balik muna sa ‘barracks’ ang mga parak, habang naghihintay ng bagong assignment.

***

Habang papalapit ang takdang araw ng eleksiyon sa Barangay­ at Sangguniang Kabataan, hindi naman mapakali ang mga opisyal ng barangay na nasa ‘narco list’ na hawak ni PDu30.

Ayon sa DILG, nasa 9,000 ang bilang ng mga opisyal ng baranga­y ang nasa listahan.

Sa takot na ‘matokhang’, ilang opisyal ng mga barangay ang nanawagan sa Palasyo na tiyaking may batayan ang pagkakasama ng mga ‘Kapitan Del Barrio’ sa listahan ng mga patong sa iligal na droga.

Hindi biro ang bilang ng mga opisyal ng barangay na sinasabing sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit hanggang sa ngayon, kahit ilang beses nang inilunsad ang ‘Oplan Tokhang’ ng PNP, nanatili pa ring malaking problema ang iligal na droga sa bansa.

Bagama’t marami ring mga opisyal ng barangay na nagsisikap na maging maayos ang kanilang komunidad, natatabunan ito ng mga pangit na pangyayari dahil kung hindi si tserman ang nasa likod ng mga ‘kabalbalan’, si kagawad naman ang kumakana.

***

Usapang barangay pa rin. Nanawagan kay MMDA Chairman Danilo Lim ang mga residente ng Fourth Estate Subdivision sa Brgy. San Antonio sa Lungsod ng Parañaque na aksyonan naman ang kanilang panawagan na maibalik ang kaayusan at katinuan sa kanilang barangay.

Ayon sa mga residente, sampung taon na nilang problema ang malalang trapik sa loob ng kanilang subdivision, at kahit makailang ulit na ring nagsagawa ng ‘clearing operation’ ang MMDA sa mga pangunahing lansangan sa loob ng subdivision tulad ng Banner Avenue at Press Drive, ang mga ‘illegal vendor’ at illegal structure ay nagbabalikan pa rin.

Sana naman daw maaksyonan na ang kanilang problema na dekada na nilang kalbaryo.