Una sa Balita

Kumusta ang Pasko?

By
0 418

Gaya ng mga biruan­ at linya ng mga hindi excited sa Pasko, aba’y isang Pasko na naman ang nagdaan sa ating mga Pinoy, na Setyembre pa lang eh sinisimu­lan na ang countdown. Para bang kailan lang eh nag-iisip ka kung magkaka-jowa ka na nga­yong Pasko, pero sa isang iglap eh lumipas ang Pasko pero single ka pa rin.

Maliban sa mga umasa at nag-wish ng boyfriend o girlfriend nga­yong Pasko, kumusta naman kaya ang ginawang panghahanting ng mga inaanak? 

Kung kabilang ka sa mga inaanak na bigong makita sina ninong at ninang, huwag masya­dong magdamdam at isipin mo na lang na nasa abroad sila kahit alam mong nasa tabi-tabi lang. Malay mo, may maganda silang dahilan para pagtaguan ka. O baka naman mas makabubuti sa’yo na trabaho ang hanapin dahil matanda ka na pero ginagawa mo na lang hanapbuhay ang paghingi ng aginaldo. ‘Wag ganu’n. 

Kung kabilang ka naman sa mga inaanak na ‘winner’ at ‘successful’ sa pamamasko, ingatan ang bigay nina ninong at ninang. Kung labis-labis ang natanggap na biyaya, puwedeng mag-share sa ibang inaanak na napagtaguan.

Sa mga ninong at ninang, at pati na sa mga tito at tita na matagum­pay na nairaos ang ‘panahon ng taguan,’ aba’y sa susunod na taon eh maghanap din ng pagkakakitaan at mag-ipon na ng para sa mga inaanak. Kayo rin, baka may maghanap sa inyong pinagkakauta­ngan n’yo eh ituro ng ­inaanak n’yo kung saan bahay o taguan n’yo.

Sa mga ninong, ninang, tito at tita naman na nabutas ang bulsa pero proud naman na hinarap ang mga inaanak at pamangkin dahil may naibigay silang regalo o pamasko kahit maliit na bagay o halaga, aba’y malamang na magiging masarap ang tulog nila matapos ang nakapapagod na Christmas season.

Pero sa totoo lang, huwag naman sanang tuwing Pasko lang tayo magbibigay ng regalo o tulong – mas maganda kung anytime basta kaya ng bulsa. Lalo na ngayon na marami sa ating mga kababayan sa Mindanao­ at Visayas ang naapektuhan ng magbarkadang bagyo na Urduja at Vinta­ na namasyal pa sa atin sa Pilipinas at nagdala ng ulan.

Bukod diyan, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagdarahop at walang permanenteng tirahan. Kapansin-pansin kasi ngayon mga tsong ang mga pamilya na nakatira sa mga kariton na natigil lang sa mga gilid ng kalsada. Katwiran nila, dahil napapaalis sila kapag naglalagay ng kubol o tent sa gilid ng daan o ilalim ng bangketa, sa kariton na lang sila natutulog dahil madali silang makakasibat kapag napaalis.

Ngayong Kapaskuhan, marami tayong kababayan na nakikita natin na nagbibigay ng mga pagkain sa kanila. Sana, kahit hindi Pasko at kung may sobra naman sa kita, ipagpatuloy natin ang pagbibigay. Pero mas maganda­ kung ang mga nasa katungkulan ang makakahanap ng permanenteng solusyon para mabigyan ang mga ‘taong-kariton’ at mga tala­gang gipit­ pero masisipag naman, na mabigyan sila ng pagkakataon na makabangon.

Sabi nga ng ating kurimaw na kasama sa mga nagtago sa mga inaanak, dapat daw ay araw-araw na nasa puso­ ang Pasko nang sa gayon­ ay araw-araw din nasa isip ang pagmamahalan­ at pagbibigayan – pati­ ang taguan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)