Una sa Balita

Kumukutikutitap ang trapik sa kalsada!

0 429

Malayo pa man ang Pasko ay kumukutitap na ang mga kalsada ng Metro Manila. Hindi dahil sa Christmas lights, kundi dahil sa ilaw ng mga sasak­yang hindi umuusad sa trapik.

Alam natin na pagsapit ng ‘ber’ months – September hanggang December – pasama na nang pasama ang sitwasyon ng trapik hanggang dumating ang Pasko. Pero kalagitnaan pa lang ng taon ay ramdam na ang matinding pagsisikip sa mga lansangan.

Tatlong taon na rin sa panunungkulan ang kasalukuyang admi­nistrasyon. Ibig sabihin, 3 taon na ring hindi maisaayos ng Department of Transportation (DOTr) ang linya ng MRT na pasira-sira at patirik-tirik sa kasagsagan ng biyahe ng ating publiko. Nitong Biyernes lamang ay may naputol na kableng nagsu-supply ng kuryente sa MRT Guadalupe Station. Alas-sais ng umaga nangyari ang insidente at nagawa ito ng alas-singko ng hapon.

Ang nakasanayang delubyo ng trapik tuwing Biyernes sa EDSA ay nadagdagan pa. Dahil sa aberya sa MRT, nagbabaan ang mga pasahero para maki­pagsapalaran naman sa usad pagong na EDSA.

May inilabas na survey ang isang grupo para sa mga commuters sa Metro Manila at kalapit na lalawigan tulad ng Bulacan, Cavite at Laguna. Kaawa-awa ang pang-araw-araw na sinasapit nila sa public transportation. Ang 10 kilometrong biyahe sa loob lamang ng Metro Manila ay umaabot ng 2 oras one way, o 4 na oras kung isasama ang pag-uwi. Iyong mga galing naman sa kalapit na probinsya ay doble pa niyan ang tagal ng biyahe, lalo pa siguro kung tuluyang ipatutupad ang pagbawal ng provincial bus sa Metro Manila.

Sari-saring panukala ang naririnig natin sa MMDA at DOTr para solusyunan ang trapiko. Malaking tulong ang ginagawang paglilinis at pagtanggal sa mga sagabal at illegal parking sa kalsada.

Kung nais nating paluwagin ang EDSA, dapat lang talagang ihanda sa bugso ng mga sasakyan ang se­condary roads na dadaluyan nito. Mabuti at nakakatulong dito ang mga mayor ng siyudad na ngayon ay kanya-kanyang pasiklab sa paglilinis ng kalsadang nasasakupan.

Subalit sa tindi ng problema natin sa trapiko, walang iisang solusyon na makakalutas dito. Kombinasyon ito ng maraming solusyon na maaaring pagtulung-tulungan ng MMDA, local government at national go­vernment.
Malaking bentahe kung dadagdagan pa ito ng paggamit ng teknolohiya o IT para mapabilis at gawing efficient ang mga ruta ng public transportation. Sa ating obserbasyon, marami kasi sa mga bus ang tumatakbo sa EDSA na kaunti ang pasahero. Kung gagamitan ito ng teknolohiya, magkakaroon ng sistema ang oras ng alis, dating at pamamalagi sa mga terminal. Mas maraming pasahero, tulad kung rush hours, mas maraming bus ang patatakbuhin. Kung matumal ang pasahero dahil patay na oras o naihatid na sa mga eskuwelahan at opisina ang karamihan, madalang na dapat ang pag-dispatch ng bus. Sa ganitong paraan, malaki ang mababawas natin sa polusyon at pagsisikip ng trapiko.

Makatutulong din ang kaalaman sa zoning at land use, na sa simula pa lamang, bago pa man nagsulputan ang mga building, ay istriktong naipapatupad na sana ng mga awtoridad. Dahil kung pumuputok na sa traffic at dami ng tao ang Metro Manila, dapat may policy na tayong ipinatutupad na sa bawat itatayong building dito, limitado na lang ang taas ng building o bilang ng palapag para malimitahan na rin ang tao at sasakyang dala nila sa sandaling mag-okupa na sila nung itinayong building.

Malinaw na sa patuloy na paglobo ng populasyon ng Pilipinas, may pangangailangan para gumawa ng maraming kalsada at mass transportation tulad ng LRT, MRT at tren. Ang nangyari kasi kaya lumama ng ganyan ang trapiko at sumama ang public transportation, tuloy-tuloy ang dagdag ng bilang ng mga Pilipino subalit nanatiling ganon pa rin ang bilang ng mga kalsada, highway, at mass transportation.

Kung baga sa lata ng sardinas, di na kasya at sobrang sikip na sa dami ng laman. Kailangan ng gumawa ng panibago at mas malaking lalagyan para maiwasan ang pagsisiksikan.

Uulitin ko na naman ang matagal ko nang sinasabi: kailangan ang isang komprehensibong programa para sa trapiko, isang roadmap para sa mass transit at master plan para solusyunan ang pagbaha na isang malaking sanhi ng trapiko. Ito ang dapat pagtulung-tulungan ng MMDA, DOTR, DPWH, LGUs, PNP, at maging ang LTFRB na nagbibigay prangkisa sa mga sasakyang pampubliko na dumaragdag sa dati ng masikip na kalsada at highway natin.

Sabi nga ng isang palasak na kanta, Pasko na naman, o kay tulin ng araw. Buti pa ang araw, matulin. Ang daloy ng trapiko at usad ng public transportation sa atin, kelan kaya tutulin? Regalong pamasko kaya para sa mga Pinoy ang 5 minutong byahe sa kahabaan ng EDSA?

Sa susunod, tatalakayin natin ang bilyon-bilyong perang nawawala sa atin at sa ekonomiya ng Pilipinas sa araw-araw na pagkaipit sa trapiko.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy