Una sa Balita

Kumilos tayo bilang isang republika

0 404

Patuloy na kinakaharap ng ating bansa ang krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Sa kabila nito, nakahanda ang ating gobyerno para tugunan ang lahat ng pangangailangan ng sambayanan.

Tiwala tayo na sa tulong ng ating mga lokal na pamahalaan, health workers at iba pang mga frontliners ay maayos nating maipatutupad ang enhanced community quarantine at mapagtatagumpayan ang labang ito.

Sa ating mga opisyal sa LGUs, health workers at frontliners katuwang ninyo ang pamahalaang nasyunal sa pagpapaigting ng implementasyon ng enhanced community quarantine sa inyong lugar alinsunod na rin sa ating Saligang Batas, Local Government Code at ang iba pang mga batas.

Batid natin na, dahil mas malapit kayo sa inyong mga nasasakupan, kayo ang mas nakaaalam kung paano ipatutupad ng maayos at may pagkamalikhain ang lahat ng mga alituntunin ng pamahalaan. Tandaan lamang ang tinuran ng Pangulong Duterte: kung ano ang sinasabi ng IATF, yun ang dapat na sinusunod.

Diinan ko lang ang direktiba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF). Dapat hindi mabalam ang paroo’t parito ng mga kargamento papasok at palabas ng Metro Manila. Hindi maaaring maglabas ng ordinansa salungat dito. Lahat ng kargamento, walang pinipili o klasipikasyon.

Iginigiit natin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa labang ito – mula sa LGU hanggang sa ating mga kababayan. Kapag ikinumpas ng IATF, sumunod tayo.

Batid namin ang hirap na inyong pinagdadaanan. Ngunit sa kabila nito, kayo’y nananatiling mahinahon, patuloy pa ring kumikilos para pawiin ang agam-agam ng mamamayan at nakangiting nag-aabot ng tulong sa ating mga kababayan.

Sa inyong pangangasiwa sa mga lokal na komunidad, kumilos tayo bilang isang bansa – isang tunay na Republika. Tandaan natin ang sinabi ng ating Pangulo na kung magkanya-kanya tayo, di tayo magtatagumpay; kung tayo’y sama-sama, magagawa nating talunin ang Covid-19. We heal as one.

Saludo ang aking pabaon sa ating mga kasamahan sa gobyerno, mga magigiting na health workers at frontliners na walang kapagurang sinusuong ang laban nating ito. Sa ating mga kababayan, magtiwala tayo sa pamahalaan. Kaya natin ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More