Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Kumander Turok’, ang hari ng bakuna

0 238

Malapit nang umabot sa 43 milyon ang bilang ng mga taong nahawahan ng coronavirus sa buong mundo. Mahigit 1 milyon na ang naitalang namatay.

Ang United States ang nangunguna sa dami ng kaso ng COVID-19 sa bilang na 8.6 milyon. Sinusundan ito ng India, 7.8 milyon; at Brazil, 5.3 milyon. Ang mga bansang sumunod sa kanila ay may tig-1 milyong kaso at pababa.

Ang China, kung saan naitala at kumalat ang unang outbreak ng COVID-19 ay pang-53 na lamang sa listahan ng mga bansang tinamaan ng virus na may 91,131 kaso.

Naunahan pa ng Pilipinas ang China kahit na mas maliit na bansa tayo, dahil pangdalawampu tayo sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng virus. 371,630 ang bilang ng mga Pilipino sa bansa na naging positive sa COVID-19.

Kahit niluwagan na ng pamahalaan ang paggalaw ng mga tao, hindi pa rin tayo dapat makampante dahil naririnig natin ngayon ang muling pananalasa ng virus sa maraming bansa. Ito ang kanilang second at third wave na tinatawag o ang muling pagdami ng mga nagpositibo sa coronavirus.

Akala ng mga bansang ito na kontrolado na nila ang sitwasyon subalit ngayo’y nagkukumahog sila sa biglaang pagdami ng mga kaso.

Nakikipag-karera naman ang malalaking pharmaceutical companies sa pagperpekto ng kanilang binubuong bakuna laban sa COVID-19. Marami sa kanila ang nasa dulo na ng trials kaya’t inaasahan na malapit na ring lumitaw ang bakuna sa COVID-19.

At habang isinasagawa ng mga malalaking laboratoryo ang trials sa iniimbento nilang bakuna laban sa COVID-19, hindi lang pag-aabang sa pagdating ng bakuna ang dapat na ginagawa natin. Dapat nating paghandaan ang mga magiging problema sa distribusyon at pagtuturok ng bakuna sa 110 milyong Pilipino.

Kailangang pag-isipan ang sistemang gagamitin sa pagbili, pag-iimbak at pagbyahe upang makarating ito sa milyong babakunahan sa buong bansa na nasa tamang temperatura. Sinasabing kailangang nasa pagitan ng negative 20 hanggang negative 60 degrees Celsius ang temperatura ng paglalagyan nito upang hindi masira ang mga bakuna. Freezing temperature ang pangunahing pangangailangan ng COVID vaccine.

Kaya’t isang matinong “vaccine czar” o “Kumander Turok” ang kailangang italaga agad na syang mag-iisip at gagawa ng matinong plano kung paano mabilis na magkakaroon ang Pilipinas ng sapat na supply ng bakuna sa kabila ng pag-uunahan ng mga bansa.

Sunod na problema ang pagkakaroon ng freezing storage facilities na pag-iimbakan ng mga bakuna at cold storage vehicles na maghahatid sa mga ito sa lahat ng sulok ng bansa.

Kailangan ang isang Kumander Turok na may malawak na koneksyon, diplomasya at kayang i-represent ang Pilipinas sa international community upang makipag-ugnayan sa pagkuha ng bakuna para sa mga Pilipino.

Isang Kumander Turok na may konkretong plano kung paano haharapin ang mga problema ukol sa supplies at deliveries NG COVID vaccine.

Isang taong may malawak na eksperyensya at mahusay sa diskarte ang nababagay maging vaccine czar ng Pilipinas. Di pwede ang kung sino lang na pinabili ng suka at pag-uwi ay itinalaga na palang Kumander Turok. Titirik ang mata nating lahat pag ganyan ang nangyari.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.