Una sa Balita

KUMAKARERA: Nagoya experience

By
0 5

Malaking pasasalamat ang ipinaabot ng mga representatives ng Metro Manila Turf Club sa mga opisyales ng Japan Racing Association na personal na nag-estima sa kanila doon sa Chukyo Racecourse nang ganapin nitong nakaraang weekend ang JRA Asia Week of Racing.

Pampered, ika nga, ang lahat ng mga delegado ng anim na bansang nagpadala ng kanilang representatives sa Trophy Races na nakapaloob sa tig-12 karerang binitiwan noong Sabado at Linggo.

Ginanap ang Thailand Cup, India Trophy, at Malaysia Cup races noong Sabado, noong Linggo ay pinaglabanan ang Macau Jockey Club Trophy, Singapore Turf Club Trophy, at Philippine Trophy Races.

Ang Pilipinas ay kinatawan ng dalawang opisyales ng Metro Manila Turf Club na sina VP for Finance & IT Ronald Alfeche at VP for Marketing Andy Sevilla.

Punong abala ang matataas na opisyal ng JRA, pinamunuan ni JRA Conselor & Vice Chairman ng Asian Racing Federation Mr. Obata ang mga pagtitipon sa loob at labas ng karerahan.

Nagkaroon ng welcome dinner sa Kaguraya Restaurant sa downtown Nagoya hosted ni Mr. Tanizaki, director ng JRA International Affairs and Racing at dinaluhan ng lahat ng representatives ng anim na bansang kalahok kasama ang matataas ding opisyales ng JRA.

Noong Sabado naman ay si Mr. Obata ang nag-host ng dinner sa Mameya Bettei Shibikama doon din sa downtown Nagoya.

Sa malaking function room sa ikalimang palapag ng Chukyo Racecourse inilagay ang accommodation ng mga delegado at doon din ginanap ang welcome ceremony bago pasimulan ang mga karera noong Sabado.

Nakatutok sa lahat ng lakaran ng mga delegado na sina Nobu Furuta at Henry Ono, nagbigay ng suporta sa lahat hanggang pagbibigay ng awards sa mga nanalo sa bawat trophy races.

Marami pa tayong ikukuwento sa susunod na mga araw sa ating naging adventure sa Nagoya, Japan.