Una sa Balita

KUMAKARERA: Mahihirapan ba?

By
0 9

Gumaganda ang tema ng mga karera sa tatlong karerahan dahil sa dami ng tumatakbong kabayo at matitinding labanan na nakikita sa halos araw-araw.

Nakita rin natin ang bahagyang pagtaas ng benta sa takilya nitong nagdaang mga linggo, pero marami ang nagtatanong kung meron daw bang pag-asang umangat pa ito hanggang Disyembre.

Mula sa P8.22-billion noong 2014 ay bumagsak sa P7.71-billion ang 2015 revenue ng karera. At marami ang nagsasabi na dahil sa pagpasok ng Sabong Online Betting sa maraming OTBs, tiyak na baka mahirapang makapasok sa P7-billion ang revenue pagkatapos ng taong ito. Tsk..tsk…tsk..

***

Ipinatigil ng Philippine Racing Commission ang pagkakaroon ng mga Special Races sa tatlong karerahan.

Ayon sa isang sulat na ipinalabas kahapon ng Philracom para sa tatlong karerahan, sinabi nito na naglabas ng writ of preliminary injuction ang Regional Trial Court ng Mandaluyong City na nagpapatigil sa implementasyon ng ilang resolutions na inisyu ng Philracom Board.

Kasama na rito, ayon sa Philracom, ang Resolution 40-15 kung saan ipinaalam nito ang pagkakaroon ng mga Special Races, Resolution 43-15 na nag-uutos ng pagkakaroon ng guaranteed prize na P125,000  at karagdagang P10,000 pa para sa horse owner, at Resolution 64-15 na nagtatakda ng guidelines para sa mga Special Races.

Dahil ito’y nakapaloob sa resolutions, ipinatigil muna ang pagpapatupad ng mga Special Races.

***

Mismong local sportswriters na natin na nagko-cover ng Rio Olympics ang nakapuna sa mga sports officials na biglang naglitawan sa tabi ni Hidilyn Diaz habang ito’y nagsasaya pagkatapos na manalo ng silver medal.

Huwag ninyong tanungin ang kredibilidad ng sportswriters na nagsalita na mismo ng kanilang saloobin tungkol sa nakalugmok na estado ng sports sa Pilipinas dahil mara­ming nagtatandaan na sa kanilang mga puwesto na sports officials.

Alam nila kung sino ang ugat ng problema sa ating local sports scene at huwag na tayong magtaka kung bakit sa mga sports officials na ito sila nakatingin.