Una sa Balita

‘Kulto’ tinuturo sa SoKor COVID-19 outbreak

0 328

KALAHATI sa 433 bagong nagpositibo sa COVID-19 sa South Korea ay iniuugnay sa isang relihiyosong grupo roon.

Higit 231 kaso ng sakit ang pinaniniwalaang nanggaling sa Shincheonji Church of Jesus sa Daegu, ayon sa South Korea Centers for Disease Control & Prevention (KCDC).

Unang nagpositibo ang 61-anyos na debotong babaeng nagkaroon ng lagnat. Hindi siya nagpatingin sa doktor at dumalo nang apat na church service bago makumpirmang may coronavirus.

“(We are) seeing that there is a possibi­lity that the characte­ristics of many people sitting close together in a very confined space and holding service for more than an hour … (could have led to) a few who were exposed infecting many (other) infectees,” sabi ni KCDC Director Jung Eun-Kyeong nitong ­Biyernes, sa ulat ng CNN.

Sa ngayon, nasa 9,300 Shincheonji member ang sumailalim sa self-isolation at susuriin, sabi ng Ministry of Health and Welfare nitong Pebrero 22.

Sinabi rin ng Shincheonji na lahat ng kanilang mga pagti­tipon at mission activity ay tinigil na muna, at nilinis na ang lahat ng kanilang mga gusali.

Tinuturing na kulto ng mga malalaking simbahan sa SoKor ang naturang grupo, na tinatag noong 1984 ni Lee Man-hee. Naniniwala ang grupo na si Lee ang umano’y “Promised Pastor” o ang muling pagdating ng Diyos na binanggit sa Bibliya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More