Una sa Balita

KULOT PINATAY NG HOLDUP GANG

By , , ,
0 11

Inilutang kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde ang posibilidad na isang organized crime group ng mga holdaper ang nasa likod ng pagpatay sa 14-anyos na si Reynaldo De Guzman alyas Kulot.

Ayon kay Albayal­de, kanila nang iniim­bestigahan kung sindikato ang pumatay sa binatilyo lalo na kung makukumpirma ang alegasyon na pang­ho­holdap ang lakad nito nang umalis kasama ang kaibigang si Carl Angelo Arnaiz, 19-anyos.

Maaaring pinatay na rin umano ng sindikato si De Guzman matapos na mapatay ng mga pulis sa Caloocan City si Arnaiz dahil sa posibleng natakot ang grupong may hawak sa kanila na baka ituro o isuplong sila ni De Guzman.

Abante Hiring – IT dep

Gayunman, nilinaw rin ni Albayalde na hindi niya sinasabing miyembro ng sindikato si De Guzman dahil kailangan lamang maungkat ang posibilidad na nakikialam na ang organized crime group para patahimikin ang binatilyo.

“Kailangan po alamin `yan baka may kinalaman ang mga organized crime group sa pagpatay pero hindi ko naman po sinasabing kasapi siya sa sindikato,” paliwanag ng NCRPO chief.

Huling nakitang magkasama sina De Guzman at Arnaiz sa kanilang lugar sa Cainta, Rizal. Unang napatay si Arnaiz ng mga pulis sa Caloocan City matapos umanong mangholdap ng isang taxi driver.

Pinaghahanap ngayon ang taxi driver na si Tomas Bagcal na hindi na nakita pa matapos pumutok ang kontrobersya sa pagkamatay ni Arnaiz na sinundan ng pagkakatagpo sa bangkay ni De Guzman.

KULOT NAGPARAMDAM

May kuwento naman ang unang nakakita sa bangkay ni De Guzman alyas Kulot sa Gapan City na si Reggie de Dios, 46-anyos.

Nakatira malapit sa creek si De Dios at nitong gabi ng Martes ay tila may nakita umano siyang nakaputi sa lugar kung saan natagpuan ang binatilyo.

“Dali-dali po akong umuwi sa amin at kumuha ng asin saka isinaboy ko sa ilog at sinabi ko na lang, ‘Nakilala ka na ng magulang mo’,” ayon kay De Dios.

Nag-iisip na umano siya ngayon kung aalis sa kanilang lugar dahil na rin sa takot sa kanilang kaligtasan hangga’t hindi nalulutas ang krimen.

TEEN KILLINGS IMBESTIGAHAN

Nakiisa ang Malacañang sa pagkondena ng publiko sa pagkamatay nina De Guzman at Arnaiz.

Pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella kahapon na nakahanda ang gobyerno na makipagtulungan sa lahat ng gagawing imbestigasyon upang malinawan ang mga insidente ng pagpatay sa mga tinedyer.

“The Executive, through the Philippine National Police, will cooperate with the Se­nate investigation and any other investigations called for,” dagdag ni Abella.