Una sa Balita

Kulang sa tulog: Digong pahinga ng 3 araw

0 312

MAGPAPAHINGA muna ng tatlong araw si Pangulong Rodrigo Duterte para makabawi ng lakas mula sa matinding trabaho nitong mga nakalipas na araw.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na magsisimula ang pahinga ng Pangulo simula ngayong November 12 hanggang 14 sa kanyang taha­nan sa Davao City.

Ayon kay Panelo, hindi na kailangang maghain pa ang Presidente ng official leave dahil kahit nasa bahay ito ay nagtatrabaho pa rin.

“Ang alam ko Tuesday ang start ng kanyang pahinga. Sabi ni Bong mga three days. Hindi na kailangan. Ang napapansin ko kay Presidente as I have told him, ‘everytime you have eight hours sleep, ang ganda ng hitsura mo eh.’ Palagay ko ‘yun lang ang kulang niya eh, palagi siyang kulang ng tulog,” ani Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na hindi iaatang kay Vice President Robredo ang pansamantalang pamumuno sa bansa dahil masyado na itong abala ngayon sa kanyang bagong trabaho bilang anti-illegal drug czar o co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD para sa war on drugs ng gobyerno.

Magiging pansamantalang caretaker si Executive Secretary Salvador Medialdea habang nagpapahinga si Pangulong Duterte.

Wala aniyang bilin ang Presidente sa Gabinete dahil batid na ng mga kalihim sa umpisa pa lang na ang gusto ni Pangulong Duterte ay magtrabaho at mag-perform ang kanyang Cabinet secretaries.

“Ang Presidente hindi siya nagbibilin kasi from the very start ang sinasabi niya: “do your work, perform,” dagdag ni Pa­nelo.

Pero sinabi ng kalihim na nasa Presidente pa rin kung tatapusin ang tatlong araw na pahinga o palawigin pa dahil siya naman ang may katawan, kahit pa pinayuhan ito ng kanyang mga kaibigan, mga kapwa world leader na maghinay-hinay sa trabaho.

“Well, Upon the advice of friends, of colleagues in the world, and most likely baka upon the advice of the doctors also to take respite from his punishing schedules,” wika pa ni Panelo.

Matatandaang isa sa mga dinaluhang aktibidad ng Pa­ngulo ay ang katatapos na ASEAN Summit sa Thailand kung saan naging mahigpit ang schedule nito dahil sa mga dinaluhang pulong kasama ang iba pang world leaders. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy