Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Krisis sa edukasyon

0 469

Hindi lang buhay, ekonomiya at kabuhayan ang sinagasaan ng COVID-19 sa ating bansa maging ang estado ng edukasyon at kaalaman ng ating mga estudyante.

Hindi maganda ang litratong ipininta para sa Pilipinas ng magkakasunod na resulta noong mga nagdaang taon na sumuri sa lagay ng edukasyon natin, kumpara sa ibang bansa.

Mula 2013 hanggang 2019, nakitaan ng patuloy na pagbulusok ang kalidad ng edukasyon sa bansa. At mula ng dumating ang pandemya noong 2020 hanggang sa kasalukuyan, wala pa mang inilalabas na bagong pagsusuri, alam na natin na siguradong lumala ang problema sa edukasyon.

Nawala ang pagtuturo sa mga eskwelahan at napalitan ng “blended learning” kung saan sa bahay na lang nag-aaral ang mga estudyante gamit ang mga itinakdang basahin at gabay ng guro sa pamamagitan ng internet, TV o radyo.

Ang problema, hindi lahat ng lugar ay may koneksyon sa internet. Hindi rin lahat ng bahay ay may kuryente. At lalong marami sa ating mga estudyante ang hindi kayang bumili ng gadget at internet load para lang maka-attend ng online class.

Dahil sa ganyang kakulangan, 2.7 milyong estudyante ang sinasabing nag-drop out sa pag-aaral nitong panahon ng pandemya.

Kung nawalan nga naman ng trabaho ang magulang dahil sa lockdown at paghina ng ekonomiya, mas prayoridad nila ang siguruhing hindi mamamatay sa gutom ang pamilya kesa ituloy ang magastos na pag-aaral gamit ang makabagong istilo ng “blended learning”.

Bilang pagsuma,ito ang nakakaiyak na estado ng edukasyon sa ating bansa:

– Sa 2018 ulat ng Program for International Student Assessment, kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 79 bansang ineksamin sa Mathematics, Science at Reading; 80% ng estudyanteng Pilipino ang hindi raw naiintindihan ang binabasa;

– Sa 2019 ulat ng Trends in International Mathematics and Science Study, pinakamababa ang nakuhang score ng mga estudyanteng Pinoy sa 58 bansang sinuri;

– Sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics, 10% lang ng Grade 5 students natin ang pumasa sa proficiency standards sa Reading, 2% sa Writing at 17% sa Mathematics.

At dahil nga sa “blended learning” na ipinatupad upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga estudyante, lalong bumaba ang kalidad ng kaalaman ng mga estudyante natin – kung may natutunan man sila.

Ramdam natin ang problemang kinakaharap ng ating paboritong professor na si Education Secretary Leonor Briones. Walang may gusto nitong pandemya. At ngayon ngang kinopo ng pandemya ang malaking bahagi ng resources ng bansa, tiyak na mababawasan pa ang perang dapat sana’y ipangtutustos upang solusyunan ang krisis sa edukasyon.

Kung may kakulangan sa pondo ang pamahalaan, ituon natin ang pansin sa pribadong sektor. Maaaring umagapay ang pribadong sektor upang pagtulungang maiangat ang antas ng edukasyon. Muling tingnan ng pamahalaan kung paano mapapalawak ang partisipasyon nito sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa ating mag-aaral.

Matagal na nating partner ang pribadong sektor sa pagbibigay ng edukasyon sa kabataang Pilipino. Kaya’t ganon na lamang ang pagprotesta natin noong mali ang naging interpretasyon ng BIR sa CREATE Law at binalak patawan ng mas mataas na buwis ang mga educational institutions.

Mabuti na lamang at nahimasmasan ang BIR at itinama ang maling interpretasyon nila sa batas. Kung hindi ay baka lalong tumindi ang krisis sa edukasyon sa dami ng magsasarang kolehiyo at unibersidad.

Nasa krisis ang ating ekonomiya at sektor ng kalusugan. Nasa krisis din ang sektor ng edukasyon. Sa sandaling matapos ang pandemya at maiayos ang ekonomiya, napapanahong pagtuunan natin ng masusing pansin ang kalidad ng edukasyon at gumawa ng hakbang upang maibalik sa dating sigla ang ngayo’y matamlay na estado ng edukasyon sa Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.