Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Krisis sa Edukasyon

0 210

Mula nang magsimula ang buwan ng Setyembre, walang araw na hindi lampas 25% ang COVID19 positivity rate sa Pilipinas. Katunayan, ngayong linggo naitala ang pinakamataas, nasa 29.7%. Lampas-lampas ito sa 5% na iminumungkahi ng World Health Organization. Ibig sabihin hindi talaga napapabagal ng pamahalaan ang pagkalat ng virus. 

Sa gitna ng surge na ito, patuloy pa ring bumubulusok ang ekonomiya — apektado ang maraming negosyo’t kabuhayan. Hindi nakakatulong ang paiba-ibang patakaran ng IATF sa pagpapatupad ng community quarantine. Sa mga hearing para sa budget sa susunod na taon, lumalabas na walang plano ang administrasyon ni Pangulong Duterte na itaas ang budget para sa pagtugon sa covid. Anyare?

Kaya nga mapapakamot ka na lang ng ulo sa pagpipilit na ibalik na ang face-to-face classes sa mga paaralan. Parang nang-iinis pa nga ang timing: sinakto pa sa Teachers’ Month at Education Week ang pag-anunsyo sa balak na ito, habang patuloy na binubuno ng taumbayan ang mga pasakit na dala ng pandemyang parang binabaon na lang sa limot ng gobyerno. 

Lahat naman tayo gusto nang makabalik sa dati, pero hindi rin puwedeng hilaw ang pagsasagawa nito. Buhay at kapakanan ng ating mga anak, kapatid, pamangkin, at apo ang malalagay sa alanganin kung basta na lang ibabalik ang face-to-face classes. Sabihin na nating makokontrol ang paligid ng mag-aaral habang nasa silid-aralan. Pero paano ang biyahe papunta sa paaralan at pauwi sa kanilang tahanan? Wala ring inilabas na protocol sakaling may isang estudyanteng tamaan ng covid habang nasa paaralan. Hindi naman yata puwedeng bahala na si Batman. 

Ginagawa ng ating mga guro’t mag-aaral ang lahat ng kanilang makakaya para tumugon sa hamon ng modular at distance learning. Totoong naging mahirap ang nakaraang isa’t kalahating taon, dala ng sari-saring kakulangan sa training at kagamitan, access sa internet at gadget, pati na sa nababagay na espasyo para sa pagtuturo at pag-aaral ng modules. Pero hindi naman tama na ang gawing solusyon dito ay ang paglikha ng panibagong mga problema: Karamihan sa mga estudyante, hindi pa nababakunahan. Wala pa naman kasing bakuna para sa nasa edad 11 taon pababa, samantalang isang brand pa lamang ng bakuna ang naaprubahang gamitin para sa mga edad 12 hanggang 17. Idagdag pa diyan ang malinaw na malinaw na kakulangan sa supply at maayos na sistema para sa rollout nito.

Ito ang dahilan kung bakit Hulyo pa lamang, sinasabi na ni VP Leni Robredo na magdeklara ang gobyerno ng krisis sa edukasyon. Aniya, sa pamamagitan nito, magiging mas mabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng mga paaralang apektado ng pandemya. May mga mekanismong magagamit para masolusyunan ang mga problema. Mas maraming magagawa para matulungan ang mga guro at mag-aaral.

At kung magagawa lang ang pag-uusapan, hindi matatawaran ang opisina ng bise presidente sa pagtugon sa mga hamong kaugnay ng edukasyon. Kahit na salat sa pondo at limitado ang kapangyarihan, nakapaglunsad siya ng Bayanihan eSkwela na naglalayong makatulong sa mga guro, mag-aaral, at magulang sa pag-adjust sa pandemya. Nagsagawa rin ang OVP ng gadget donation drive, para mabigyan ang mga estudyanteng walang pambili. Nakapagpatayo ng mga community learning hubs kung saan ligtas na makapag-aaral ang mga bata, lalo na iyong mga walang mobile data o internet. Naglabas ng instructional na mga bidyo para sa distance learning, at gumawa ng e-book para mas maintindihan ang covid19. Nagsagawa rin ng online teacher training program para sa mga gurong nangangapa rin dahil sa bagong moda ng pagtuturo.

Kitang-kita na kung gugustuhin, kaya naman talaga. Kaya lang, imbis na makinig sa mga mungkahi at pag-aralan ang datos, humihingi pa ng apology ang mga opisyal sa mga naglabas ng report tungkol sa lagay ng edukasyon sa Pilipinas. Minsan mapapaisip ka na lang: kasama ba sa requirements ng administrasyong ito ang pagiging madrama, iyakin, o balat-sibuyas? May ibinaba bang memo na bawal makinig sa mga naghahain ng solusyon, at sa daing ng taumbayan?

May mga bagay na hindi talaga natin makokontrol, pero laking tulong at ginhawa ang dala ng mahusay, walang drama, at hindi makasariling pamumuno. Sana maalala natin ito — ngayon, bukas, sa makalawa, at higit sa lahat sa 2022, sa panahon ng paghalal natin ng mga bagong lider ng bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.