Una sa Balita

Krisis? Baka naman check-and-balance lang!

0 7

Ang istruktura ng ating gobyerno ay ginawa para magkaroon ng ‘check-and-balance’. Kung matatandaan, ipinanganak ang 1987 Constitution pagkatapos dumaan ng Pilipinas sa napakadilim na yugto ng diktaturyal na pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Kaya nang baguhin ang Saligang Batas, siniguro na hindi mapupunta ang kapangyarihan sa isang tao o isang sangay lang ng gobyerno. Biniyak sa tatlong sangay ang pamahalaan na mayroong pantay-pantay na kapangyarihan.

Isa ay ang executive branch na pinamumunuan ng halal na Presidente. Ito ang tagapagpatupad ng batas at mga polisiya at programa ng gobyerno.

Ang lehislatura naman, kumbinasyon ng Senado at Kamara na may kanya-kanyang lider din. Ito ang tagagawa ng batas, taga-repaso kung kailangan at taga-abolish.

Judiciary naman ang tagapataw ng parusa sa mga lu­malabag sa batas. Ito rin ang taga-interpret ng batas para sa pangkalahatang pang-unawa. Nasa ilalim naman ito ng punong mahistrado ng Korte Suprema.

Ang bawat sangay na ito, iisa ang layunin at responsibilidad: ang pangalagaan ang kapakanan ng sambayanan at panatilihin ang balanse sa pamamahala.

Related Posts

Kaya sila ginawang co-equal ay para masigurong hindi magkakasapawan ng kapangyarihan. Hindi maaaring magdikta ang isa sa alinman sa dalawa pang co-equal.

Napakahalaga na mamantine ang respeto ng bawat sangay sa isa’t isa kahit pa mayroong mga pagkakataon na nagkakasalungat ng mga opinyon at pamamaraan ang mga ito.

Kaya nga medyo nakakabahala na nahihiwatigan ng seryosong banta ang mga pananalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang co-equal na gaya ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Anuman ang rason ng Pangulo sa pag-init ng kanyang ulo, tila hindi maganda sa paningin ng sambayanan na ganito magpalitan ng opinyon ang mga lider ng magkakapantay na sangay ng gobyerno.

Maaari naman sigurong pag-usapan sa isang closed door meeting ang lahat. May tamang proseso para sa lahat. Idaan sa legal at propesyunal na paraan ang lahat. Napakahalaga na rumespeto sa proseso at sa mga probisyon ng Saligang Batas dahil ito ang nagbibigay ng kaayusan sa lipunan.

Hindi naman siguro aabot sa krisis itong bahagyang pagbabanggaan ng Pangulo at ng SC. Ika nga’y patunay ito na buhay ang demokrasya sa bansa. Mayroong check-and-balance sa gobyerno.

Hindi ito dapat maputol anuman ang mangyari!