Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kris dapat ipagdasal ng mga kalaban sa politika

0 118

Sa pinakahuling post ni Kris Aquino ay mas luminaw sa atin na tunay nang nakakaalarma ang kanyang sitwasyon. Huling linggo pa lang pala ng Abril ay alam na niya at ng kanyang pamilya na nakasalalay na ang kanyang kaligtasan.

Bukas nakatatakdang lumipad papuntang Houston, Texas si Kris kasama ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby. Harinawang payagan na siya ng kanyang mga doktor na makabiyahe para magawa na ang napakahalagang gamutan para sa kanya.

Nasa Houston ang gamot na makapagsasalba sa kanya pero wala pang karampatang permiso ‘yon na ibenta dito sa atin.

Ang sinabi niyang pinakahuling sakit na nakita sa kanya, ang Churg-Strauss Syndrome, ay walang kagalingan pero may klase ng gamot na maaaring magpaginhawa sa maysakit.

Napakapambihira pala ng ganu’ng sakit, ang blood vessels ang pinupuntirya nito, kaya napakadelikado. ‘Yun ang kailangang tutukan agad ng mga doktor sa pupuntahang ospital ni Kris sa Texas.

Patung-patong na sakit ang dinadanas ngayon ni Kris, pangmayaman ang mga sinabi niyang problema, kung mahirap ang kakapitan nu’n ay walang kaligtasan dahil sa laki ng gastos.

Mabuti na lang at milyonarya si Kris, kayang-kaya niyang bilhin ang mga milagrosong gamot na makapagpapagaling sa kanya, meron siyang panagot sa napakamahal na gamutan.

Dasal ng marami ngayon na sana’y maging matagumpay ang pagpapagamot niya sa Amerika. Sana nga, kahit ang mga kalaban ng kanyang pamilya sa politika ay magkaroon ng magandang pabaon sa pagbiyahe ni Kris na gumaling siya, napakalaki ng maitutulong ng sama-samang panalangin.

Josh, Bimby huwag idamay sa galit

Kailan lang ay napabalitang namatay na si Kris. Itinakbo raw siya sa ICU pero hindi na naisalba ang kanyang buhay. Napakasakit nu’n para sa maysakit mismo at sa mga nagmamahal sa kanya.

Si Kris mismo ang nagsabi na buhay pa siya. Hindi totoong isinugod siya sa ICU. Masyado raw namang excited sa kanyang pagkamatay ang ibang tao d’yan.

Walang nakakaalam kung kailan tayo magpapaalam, tanging Diyos lang na nagbigay ng ating buhay ang may karapatang bumawi, walang kahit sino.

Isantabi na lang muna ang away sa politika, buhay na ni Kris ang nakasalalay ngayon, iwasan nating humiling ng hindi maganda para sa ating kapwa.

Alalahanin na lang natin na maraming panahong pinasaya tayo ni Kris bilang magaling na TV host. Pati ang kanyang kataklesan nga ay tinanggap na ng publiko dahil siya lang ang nakagagawa at nakalulusot sa ganu’ng atake.

At napakabata pa ng kanyang mga anak. Special si Josh at kinse anyos lang si Bimby. Mahabang panahon pa ang dapat nilang pagsaluhan.

At ang kanyang hiling, huwag naman sanang patikimin nang masasakit na salita ang magkapatid, huwag sana silang sisihin sa pagiging anak ng kanilang ina.

Maiintindihan si Kris ng mga nanay na. Sa puso ng isang ina ay palaging ang kanyang mga anak ang una, ang sana’y matagal na matagal na taon pa ang kanilang pagsamahan, ang maging maayos muna ang sitwasyon ng mga anak bago siya lumisan.

Mag-isang pinalaki ni Kris ang dalawa niyang anak. Du’n pa lang ay pagsimpatya na ang dapat nating ibigay sa kanya. Hindi madaling maging tatay at nanay.

Sa kanyang pag-alis ay pabaunan natin si Kris Aquino ng panalangin na sana’y maging matagumpay ang pakikipaglaban niya sa Amerika.

Basbasan sana ng Diyos ang lahat ng mga sasailaliman niyang procedure, pati ang mga gamot na iinumin niya, dahil kapag walang kapangyarihan ng Diyos ay walang magagawa kahit ang mga pinakadalubhasang doktor sa lupa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.