Una sa Balita

Kris bawal na sa PAL?

By
0 1,871

Nasa Hong Kong si Kris Aquino ngayon para sa shoot ng bago niyang endorsement.

Pataas na nga nang pataas ang bilang ng mga ineendorso niyang produkto pero literal na mataas ang bago niyang trabaho dahil eroplano na ang ilalapit niya sa publiko.

Ang tanong ngayon ay kung puwede pa bang sumakay sa Philippine Airlines si Kris kung Cathay Pacific na ang ineedorso niyang carrier ngayon?

Ganu’n ang umiiral na batas sa pag-eendorso ng mga produkto, hindi puwedeng makitang kumakain-umiinom ng produktong kalaban ang personalidad na kinuhang endorser, malinaw na nakasaad ‘yun sa kanyang kontrata.

May kilala nga kaming female personality na isang brand lang ng chicken ang gusto, pero dahil napakaganda ng alok sa kanya ng kalaban nitong food chain ay ginawa ng aktres ang TVC, mula nu’n ay hindi na nakikita sa taping o shooting ang aktres na kumakain ng paborito nitong brand ng chicken.

Siguro nga ay sa bahay na lang ito nagpapabili ng chicken na kalaban ng kanyang ineendorso. Ang bawal lang naman ay ang makita ito sa pampublikong lugar na sinusuportahan ang kalaban nilang pagkain.

Maganda ang review kay Kris sa pelikulang I Love You Hater, pinalakpakan ng manonood ang kanyang eksenang kasama ang malilimutin na niyang ama na ginagampanan ni Ro­naldo Valdez, naitawid ni Kris ang tamang emosyon sa tagpong ‘yun.

Hindi man siya ang pinakabumibida sa pelikula ay masarap na rin sa pakiramdam ng aktres-TV host na napansin ang kanyang pagganap. Ang loveteam nina Joshua Garcia at Julia Barretto ang ibinabandera sa proyekto, hindi naman si Kris Aquino, kaya ayos na rin ang mga tinatanggap niyang papuri. ()