Una sa Balita

Kotongerong enforcer hinubaran ni Isko

0 420

BINAWIAN ng uniporme at identification card ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakunan ng video na aktong nangongotong sa kanyang sinitang motorista noong Hulyo 15, 2019 nang gabi sa Rizal Avenue, Maynila.

Mismong sa loob ng bahay nito dinampot ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang suspek na si Ricardo Galit, 44-anyos, Job Order-Traffic Enforcer, may live-in partner at taga-Baseco Compound, DOST Area, ng nasabing lungsod.

Sa pagharap sa mga mamamahayag, inamin ng suspek na nagagawa niya ang mangotong dahil mayroon umano siyang quota na P13,000 kada buwan na ibinibigay sa kanyang sector commander na si Charlie Espiritu na ibinibigay naman sa isang tanggapan sa Manila City Hall.

Sa ulat, nabatid na nag-viral ang video na ipinost ng isang concerned citizen noong Hulyo 21, kung saan nakitang inaabutan ng P500 ng motorista ang suspek at may caption pa umano na “Nagpalit lang kayo ng kulay dati kahel, ngayon kulay blue, pero ganun rin.”

Dahil dito, kaagad ipinahanap ni Moreno sa SMaRT ang natu­rang MTPB at dinala sa City Hall.

Napag-alaman na dati nang tauhan sa nakaraang pamunuan ng MTPB ang suspek na nagsilbi umanong striker at tagakolekta ng tara. Nag-apply muli ito at natanggap sa ilalim ng kasalukuyang liderato na isa sa 817 mi­yembro ng MTPB na nakakalat sa kalye upang magmando at magpatupad ng batas trapiko.

Bukod sa pagsibak sa tungkulin, sinabi ni Moreno na mahaharap sa kasong robbery extortion ang suspek.

Kasabay nito, nagbabala si Moreno sa mga supervisor at sector commander ng MTPB na susunod na silang aarestuhin. (Juliet de Loza-Cudia/Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy