Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Korea atras sa Qualifiers

0 176

HINDI na lalahok ang South Korea para sa February window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Manila dahil sa patuloy na pagharap ng koponan sa mga kaso ng COVID-19.

Ginawa ng Korea Basketball Association (KBA) ang krusyal na anunsiyo Martes habang ang pambansang koponan nito ay patuloy na humaharap sa mga kaso ng COVID-19, ayon sa ulat ng Jump Ball.

Ang Gilas Pilipinas ay orihinal na nakatakdang harapin ang Korea ng dalawang beses sa paparating na window. Nakatakda din itong maglaro ng apat na sunod sa loob ng limang araw sa torneo.

Sumailalim ang lahat ng mga manlalaro sa test nitong Lunes kung saan isang player nito ang nagpositibo sa pagsusuri at iniwan ang lahat bilang malapit na kontak.

Ang manlalaro, na itinago ang pangalan, ay aktibong kalahok sa pagbubuo ng Korea mula Linggo at sumali pa sa practice game laban sa Korea University noong Lunes.

Wala pang anunsiyo ang FIBA tungkol sa usapin, ngunit ang koponan ay nasa panganib na ma-default ang lahat ng apat na laro nito.

Nakatakdang harapin ng Korea ang Gilas Pilipinas sa Huwebes, New Zealand sa Biyernes, India sa Linggo at muli ang Pilipinas sa susunod na Lunes. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.