Una sa Balita

Korapsiyon sa ROW, pekeng land title ibinunyag ni Gordon

0 1,518

Ibinunyag ng Blue Ribbon Committee ang ma­tinding korapsiyon na humaharbat ng bilyon-bil­yong piso sa gobyerno at nambibiktima ng mga lehitimong industriya para gumawa ng pekeng titulo ng lupa.

Ang mga titulong ito kalaunan ay iniaalok sa gobyerno para sa right-of-way (ROW) acquisition.

Ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee, sa ginawang public hearing sa Ge­neral Santos pa lamang ay mayroon ng 167 folder ng road right-of-way (ROW) claim na nagkakahalaga ng P5.6B.

“This is a whole sydicate involving the Department of Public Works and Highways (DPWH) in Mindanao, the registers of deeds that go all the way up,” dagdag ni Gordon at iginiit na maghahain siya ng kasong plunder laban sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa nasabing korapsiyon.

Sa pagdinig sa Senado na dinalulhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay tinawagan ni Gordon ang lahat ng sector na nagki-claim sa pekeng land title mula sa Land Registration Authority (LRA) na du­malo sa Senate Blue Ribbon Committee at iim­bestigahan ang anomalya.

Sinabi pa ni Gordon na hihilingin niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-overhaul ang LRA dahil sa kabiguang protektahan ang integridad ng mga titulo ng lupa sa bansa.

Kinastigo din ni Gordon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil hindi nasisilip sa Register of Deeds ang mga pekeng titulo.

“It is a web of corruption involving LRA that manufactures fake titles in their computers, involving DPWH on the ground that doesn’t even bother to check the size of the land for right of way,” dagdag nito.