Una sa Balita

Kontratista ng NHA sa Yolanda housing kakasuhan ng Malacañang

By
0 1,559

HAHABULIN ng gobyerno ang mga kontratista ng National Housing Authority (NHA) na gumawa ng mga mahinang klaseng pabahay para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa Tac­loban City.

Kasunod ito ng ulat na bumagsak ang isang unit ng pabahay sa Tacloban dahil sub-standard ang mga materyales na ginamit dito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi palalampasin ng gobyerno ang ganitong impormasyon at dapat papanagutin ang mga ­sablay na kontratista.

Batid aniya ng publiko na galit si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tiwali at pinagkakaperahan ang mga proyekto ng gobyerno.

“Hindi po kukunsintihin ng Presidente ‘yan. Kung maling standards, kakasuhan at papanagutin iyong mga contactors. Ang in-charge po ng Yolanda housing ngayon ay da­ting City Administrator ni Presidente Duterte, so he knows the wor­king style of the President, hindi po niya kukunsintihin ‘yan,” ani Roque.

Isinumbong kay Roque na nahihirapan ang mga mamamahayag na makakuha ng impormasyon sa NHA Region 8 kaugnay sa mga palpak na housing project­ ng gobyerno para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.

Binalaan ni Roque ang lahat ng mga kontratista ng Yolanda housing na ayusin ang kanilang trabaho at huwag pagkuwartahan ang proyekto dahil tiyak na makakatikim ang mga ito kay Pangulong Duterte.

“So ang babala po sa lahat ng contractors kung pera-pera lang ang hinahabol, naku itigil nyo na po ‘yan dahil nakita ninyo naman na pinatunayan na ni Presidente, may political will siya na ipatupad ang batas,” sabi pa ni Roque.