Una sa Balita

Kontrabida ba talaga ang homework?

0 496

Mainit na pinagtatalunan ng maraming netizen ang panukala na ipagbawal na ang pagbibigay ng homework sa mga batang mag-aaral ng kindergarten hanggang Grade 12. Ang dahilan, bukod daw sa nakakaistorbo ito sa bonding ng pamilya, nakakakuba pa raw ang dami ng librong bitbit lagi ng mga bata.

Ang isa nating kurimaw na may anak sa elementarya, parang dalagang nahihirapang pumili ng sasaguting manliligaw kung papabor ba siya o hindi sa panukala. Pag-amin niya, totoo naman daw na literal na pabigat sa mga batang estudyante ang dami ng libro na dinadala ng kaniyang anak sa pagpasok sa paaraalan at pag-uwi sa bahay pero hindi siya lubos na sang-ayon sa paliwanag na sagabal sa bonding ng pamilya ang homework.

Kung tutuusin nga raw, nagiging daan pa kung minsan ang aralin ng anak para makapag-usap sila ng bata kapag nagtatanong ng paliwanag ang estudyante tungkol sa sagot sa assignment. Bukod doon, nababawasan din daw ang atensyon ng bata sa paggamit ng gadgets kapag nakasubsob na ang atensyon niya sa assignment.

Aba’y hindi rin pala lubos na totoo ang katwiran ni Education Secretary Leonor Briones, na sinusuportahan niya na itigil ang pagbibigay ng assignments sa mga bata dahil ang mga nanay o yaya raw naman ang sumasagot ng mga ito. Teka, ilan ba ang may kayang magbayad ng yaya? Siguro naman ang mga magulang ng mga estudyante sa public school eh hindi na mag-aaksaya ng perang pampasahod sa yaya.

Kung tutuusin, hindi lang dito sa Pilipinas pinag-iisipan na ipagba­wal na ang pagbibigay ng assignment sa mga bata. Katunayan sa Amerika, may ilang paaralan na ang nagpapatupad nito. Ang dahilan nila, pareho rin naman ang dahilan na lumalabas ngayon—ang mabigyan ng panahon ang mga bata na ma-enjoy ang kanilang oras sa bahay.

May mga naniniwala kasi na ang tungkol sa pag-aaral ay dapat sa paaralan gawin, at dapat bumalik ang mga estudyante sa kanilang pagkabata pag-uwi sa bahay. Ang tanong nga lang ng ilan nating tsokaran, kapareho ba ng setup ng pamumuhay sa Amerika ang pamumuhay nating mga Pinoy?

Ano ba ang karaniwang ginagawa ng mga batang Pinoy ngayon kapag nasa bahay? Ang mga nakaka-L-L siguro o nakakaluwag-luwag, baka nanonood ng telebisyon sa bahay at puro gadget ang pinaglilibangan ng mga bata. Samantalang ang pamilyang-G, o gipit na walang gadget at Wi-Fi sa bahay, aba’y baka sa lansangan ang punta ng bata.

Sabi ng ilang child psychologist na nabasa natin sa ilang ulat, may mabuti at hindi masyadong mabuti na naibibigay ang pagkakaroon ng assignment. Isa sa kabutihan nito ay naihahanda ang pananaw ng bata pagdating sa mga obligasyon na kailangan niyang gawin. Pero dapat daw isaalang-alang din ang edad ng bata, at huwag nga namang tambakan ng assignment na ikalulula niya.

Mayroon din naman kasing mga guro [hindi lahat] na tamad magturo kaya nagpapauwi ng santambak na aralin sa bata. Kaya ang resulta, matapos bitbitin ng bata ang makapal na libro patungo sa paaralan, iuuwi niya ulit para pag-aralan. Huwag naman sanang ganun ma’am.

Ang isa namang psychologist, inihalintulad ang homework sa gamot na kapag kulang, walang bisa at hindi magagamot ang sakit; pero kapag sobra naman, baka lumala ang sakit. Kaya ang dapat daw, sakto lang.

Siguro nga ay hindi dapat lubos na ipagba­wal ang mga homework pero huwag naman ha­yaan ng guro na maubos ang buong oras ng bata sa bahay sa pagsagot sa mga ito. May mga bata rin naman kasi [lalo na ang mga pang-umaga] na natutulog muna pag-uwi sa bahay mula sa paaralan bago gumawa ng assignment.

Pero kung talagang nais ng mga mambabatas at opisyal natin na mabigyan ng bon­ding at quality time ang mga estudyante kasama ang pamilya, aba’y huwag sila magbigay ng homework kapag Biyernes para hayahay ang mga bata sa Sabado at Linggo, at bawas din sa iisipin ang mga guro. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy