Una sa Balita

Kontra sa patakarang pampubliko?

0 720

Isa sa mga tinatawag na Sustainable Deve­lopment Goals (SDGs) — o mga adhikain na nakakatulong sa pagpapa-unlad ng bansa — na binalangkas ng United Nations, ay ang pagkakaroon ng mga tao ng paraan upang makagamit ng mga pasilidad ng naghahatid ng malinis na tubig at sanidad. Base sa mga pag-aaral, ang kawalaan ng ganitong mga pasilidad ay nakakadagdag sa mga suliranin hinggil sa pagkakasakit at pagkamatay.

Pansinin na ang kinakailangan lamang ay pamamaraan para ma­kagamit ng mga pasilidad. Hindi kinakailangan ng tuwirang pagmamay-ari. Ngunit, bakit pinapayagan ng ating mga batas at patakaran na magkaroon ng mga restriksyon sa paggamit nito?

May narinig akong sabi-sabi nu’ng ako ay bata pa na ang mga kainan o restaurant ay hindi maaaring tumanggi ipagamit ang kanilang mga palikuran sa sinumang nangangaila­ngan nito, maging parokyano man nila o hindi. Ang dahilan diumano ay ang mga kainan ay tinuturing ng batas na mga lugar na pampubliko. Sa aking murang edad, naisip kong parang hindi makatarungan ito para sa mga establisimyento sapagkat sila ang gumagastos sa pagpapanatili ng mga ito na maayos at malinis. Marahil, naisip ko pa, dapat ang pamahalaan ang gumawa nito at hindi ang mga negosyante.

Ngunit, napagtanto ko rin ang karunungan sa likod ng ganitong patakaran.

Gaya ng mga pasilidad na pinagkagastusan ng pamahalaan, lahat ay maaaring makinabangan kasali na ang mga hindi nagbayad ng buwis. Ang isang halimbawa nito ay ang mga ilaw sa lansa­ngan na may pakinabang sa lahat hindi lang para sa mga nagbayad ng buwis. Ang ganitong konsepto ay tinatawag na ‘free riders’ o mga nakaangkas nang libre at ito ay bahagi ng lipunan.

Nu’ng nakaraang taon, naging malaking isyu sa Philadelphia, USA ang pagtawag ng pulis sa dalawang tao na gumamit ng palikuran sa Starbucks nang walang binili. Nagkaroon ng mga protesta sa lansangan na nagdidikit ng pangyayari sa isang kaso ng diskriminasyon. Bilang tugon ng kompanya, sinabi ng chairman ng Starbucks na si Howard Schultz na ang lahat ng tao na nasa loob ng kanilang mga tindahan ay itinuturing na parokyano, maging sila ay walang binili.

Ako ay nagulat nang magpunta ako sa Starbucks sa Greenbelt sa Makati na hindi ako ma­kagamit ng kanilang banyo nang walang code. Ang code ay makukuha sa resibo. Ito ay nangangahulugan na ang paggamit ng kanilang palikuran ay nakatali sa pagbili ng produkto ng Starbucks. Sigurado ako sasabihin nila sa isang opisyal na pahayag na ang mga hindi parokyano ay maaari ring gumamit at ang kailangan lang naman ay magsabi. Pero, alam nating lahat, hindi ganoon kasimple ang mangyayari sa totoong buhay.

Pati ang mga mall na malinaw na public places, tila ganito na rin ang takbo ng isip. Ang mga magaganda at madaling puntahan na mga palikuran ay may bayad. Ang mga walang bayad ay kadalasan hindi kasing linis at mahirap puntahan.

Binabalikan ko lang ang konsepto ng patakarang pampubliko. Sa akin pagsasaliksik, wala akong natagpuang batas na nagbibigay ng kautusan o pahintulot na ipagamit ng mga pribadong establisimyento ang kanilang mga pasilidad sa publiko. Marahil, puwede tayong magbalangkas ng mga sistema upang ang mga ganitong pasilidad ay maaaring magamit ng mga hindi parokyano sa ngalan ng lubhang pa­ngangailangan. Nagiging taliwas sa layunin ng mga umiiral na batas ang nagiging kagawian ng mga establisimyento. Talaga bang walang magagawa ang pamahalaan ukol dito?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy