Una sa Balita

Konting respeto naman sa karapatan ng mga bata!

By
0 562

Nakababahala ang balita tungkol sa yumaong 13-anyos na bata na nabaril na, tinangka pa umanong nakawan ng kidney ng mga doktor ng Tondo Medical Center.

Umiiyak na pahayag ng mga magulang ni Aldrinne Pineda sa radio, buhay pa raw ang bata nang gawin ang ‘unauthorized procedure’ ng nasabing ospital. Basta ipinadala nalang daw ng hospital ang organ ng bata sa burol nito matapos ang tatlong araw.

Nabaril sa tiyan ni PO2 Omar Malinao ng Maynila ang Grade 6 student sa kalagitnaan ng pagtugis ng Roxabago Police Station sa mga magnanakaw malapit sa Vitas Slaughterhouse, Tondo noong gabi ng Marso 2. Agad isinugod sa ospital si Aldrinne kung saan binawian ito ng buhay sumunod na araw. Ayon sa mga pulis aksidente ang pagkakabaril sa bata.

Sa kasalukuyan, wala pang pormal na paha­yag ang TMC tungkol sa kaso ni Aldrinne. Ayaw din magsalita ng doktor na nag-opera sa bata nang wala daw pahintulot ang Direktor ng nasabing government hospital.

Nakarating sa Department of Health ang balita, napag-alamang magdedemanda ang mga magulang, at agad nagpahayag si DOH Sec. Francisco Duque III na paiim­bestigahan ang kaso.

Labag sa batas saad ni Duque ang magtanggal ng anumang organ sa mga bata nang walang pahintulot ng magulang — “Doctors are not allowed to remove organs of children without their parent’s permission.”

Nangako ang kalihim na bubuo siya ng fact-finding team para sa imbestigasyon. “We will check if there’s a probable cause so we can charge whoever did that,” ani Duque.

Samantala, agad nakarating na sa Commission on Human Rights ang ginawa ng Tondo Medical Center kay Aldrine at nagsimula nang masusing suriin ang bagay na ito.

Sa gitna ng mga pangyayari, nananatiling tahimik ang Simbahan sa kaso katulad din ng nakakabinging pananahimik ng Direktor ng kontrobersiyal na ospital. Tsk,tsk. Magtulungan sana tayo sa pag-expose sa mga katiwalian at pagmama­labis sa mga mahihirap lalo’t higit ‘yung may kinalaman sa mga bata.

Sa ganang atin, ang pagbabalik ng kidney ni Aldrinne sa mga magulang nito sa kasagsagan ng lamay ng bata ay maaring senyal ng ‘guilt’ sa parte ng doktor na nagsagawa ng procedure. Mala­king pagpapaliwanag ang kailangan ibigay ni Dr. Sa-adi Sacar sa mga magulang ng bata kung bakit tinanggal ang bato ni Aldrinne. Hintayin ngayon natin kung ano ang masasabi ng Tondo Medical Center habang lubos na pakikiramay ang ating hatid sa mga magulang at kaanak ng nasawing bata.

Konting respeto naman sa karapatan ng mga bata, lalo’t higit ng mahihirap!