Una sa Balita

Konting ire na lang, magiging batas na ang Expanded Maternity Leave Law

0 126

Nitong nakaraang Martes ay naipasa na sa wakas ng House of Representatives ang kanilang bersyon ng panukalang Expanded Maternity Leave Bill. Halos 26 na taon itong hinintay ng mga advocates at bawat pamil­yang Filipino na nagnanais magkaroon ng mas malusog na pag-aalaga sa kanilang bagong silang na anak.

 Ang bersyon namin sa Senado na aking inakda at inisponsor ay pasado na noong isang taon pa kaya’t labis kaming natutuwa sa pagkakataong ito na sa wakas ay konting ire nalang at magiging ganap ng batas ang Expanded Maternity Leave Law.

 Napakaraming nagpapadala ng mensahe sa aming tanggapan mula pa noong nakaraang taon kung kailan ito maisasabatas. Ang kasagutan ay malapit na. Ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay magpupulong para repasuhin ang mga pagkakaiba ng dalawang bersyon ng panukala sa pamamagitan ng bicameral conference committee meeting. Ang kasalukuyang bersyon ng Senado ay nagsusulong ng 120 araw na maternity leave samantalang 100 na araw naman sa House of Representatives. 

Maliliit na detalye na lamang ito at pag napino na ang panukala sa bicameral conference committee meeting ay raratipikahan na ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso at isusumite sa Pangulo upang pirmahan at maging ganap nang batas.

 Katulad ng naipa­ngako ko na dati pa, patuloy nating ilalaban na maging ganap na batas na ito. Ang mas malusog na pamilya ay salamin ng mas malusog at progresibong lipunan. 
Nagpapasalamat tayo ng lubos sa ating mga kongresista na ipinaglaban ang pagpasa nito sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso: Sina Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, Akbayan Rep. Tom Villarin at TUCP Rep. Raymond Mendoza.

 Kapag naging ganap na batas na itong ipinaglalaban natin, ma­ngangahulugan ito ng mas malusog, maayos at masipag na mga manggagawa. At ayon sa mga pag-aaral, ang mas mahabang maternity leave ay nagpapataas ng productivity sa trabaho ng mga kababaihang manggagawa dahil sila ay naaalagaan at napapahalagahan.

 At pag naging ganap na batas na ito, hindi na tayo magiging kulelat sa iba pang bansa sa Asya pagdating sa polisiya ng maternity leave. Sa kasalukuyang 60-araw na maternity leave, tayo ang pinakamababa kumpara sa mga bansang Malaysia, Cambodia, Thailand at Indonesia (90-araw), Myanmar (98 araw), Laos at Brunei (105 araw), Singapore (112 araw) at Vienam (120 araw).

 Ang pagkakaroon ng Expanded Maternity Leave Law ay nagpapahayag na ang Pilipinas ay kayang makipagsabayan sa maayos na labor practices sa buong ASEAN. Ito ang senyales sa buong mundo na kaya nating protektahan at pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawang kababaihan. 
Konting ire na lang, maipapasa na natin ito para sa ating buong pamilya.