Una sa Balita

Konsepto

By ,
0 525

Galing ang salitang ‘konsepto’ sa Latin na ‘concipi?’ o ‘conceptum’ o ang pagbuo sa isip ng kahit ano. Puwede ring imahinasyon. Bago gawing materyal o iyong madarama ang isang bagay, kailangan munang umiral ito bilang konsepto.

Pinag-isipan muna.

Noong Hunyo ng nagdaang taon, nilapitan ang inyong lingkod ng isang kaibigang may katungkulan sa isang kinikilalang media network sa telebisyon. May ibinahagi sa akin. Konsepto. Nakasulat.

Konsepto ng isang palabas, isang tele­serye, na gagawin para sa eleksyon. Election special para magbigay ng aral sa manonood habang nalilibang na rin. Dalwang buwan ang itatakbo ng tele­serye. Ipinabasa sa akin ang plot o banghay ng tatakbuhin ng istorya. Ano raw ba ang masasabi ko.

Bilang propesor ng kulturang popular sa isang matandang unibersidad, hiningi ng kaibigan ang opinyon ko hinggil sa konsepto. Hindi ko kako gusto. Sablay. Mahirap itanghal. May tendency pang maging nakakabagot. Nainis yata ang kaibigan ko. Siya kasi ang nag-isip, ang nag-conceptua­lize.

Nagalit yata. Kung hindi ko raw gusto, umisip daw ako. E ‘di umisip. Hanggang sa mabuo ang isang konsepto ng isang situation comedy o sitcom. Nakakatawa habang nagbibigay ng aral o impormasyon. Iinog ang istorya sa tricycle operators and drivers’ association o TODA sa isang bayan na ang mayor ay trapo.

Mula sa konsepto, nabuo ang masaya at nakakakilig na ‘TODA One I Love’ sa GMA. Ipinapalabas gabi-gabi, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na alas-9:30.

Inaasahang eere ang teleserye na ipinrodyus ng GMA Public Affairs nang dalawang buwan o hanggang bago ang mismong eleksyon sa Mayo. Tangkilikin po sana ninyo ang programang buhat sa binuo ko, namin ng kaibigan ko, ang konsepto.
Maiba ako. Sa Huwebes, Pebrero 14, tradisyonal na namang ipagdiriwang ang Valentine’s Day. Araw ng Pag-ibig para sa iba ang araw na ito. Sa akin, isang malaking araw ito para hikayatin ta­yong gumasta para sa minamahal.

Pasensya na, ayokong maging kill joy, pero lagi na, sa tuwing sasapit ang araw na ito, may kaliwa’t kanang paalala para mahalin lalo ang ating kapareha: Asawa o kasintahan. Pero ang paalala ay may kapalit na paggasta.

Ilibre mo sa sinehan dahil palabas ang pelikulang, ayon sa marketing, para sa magsing-irog. Bumili ng mahal na ticket para sa konsiyerto ng banda o singer na kumanta ng love songs na paborito ninyo. Regaluhan ang minamahal, tutal naka-sale naman ang bibilhing regalo.

Kumain sa restawran o kaya ay magbakasyon sa hotel dahil may promo for two. May couple shirt, couple watch, couple shoes. Hihikayatin kang bumili at magregalo. Sa mada­ling salita, magmahal nang may materyal na manipestasyon. At gaya ng kahit anong materyal na bagay, may presyo. May kapital. May namumuhunan. May kikita.

Katwiran ko nga sa sarili, buong taon akong nagmamahal sa aking asawa, hindi isang araw lang sa buong taon. Pero baka ako lang iyon. Baka ikaw, para maramdaman ang bisa ng Pebrero 14, kailangan talaga magregalo at regaluhan? Kunsabagay, pera mo naman iyan. Paki ko ba.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy