Una sa Balita

Kondenahin ang sexual harassment sa Miss Earth pageant

0 393

Walang puwang kailanman sa isang disenteng lipunan ang anumang uri ng pambabastos at diskriminasyon laban sa ating kababaihan. Kahit nasaang lugar o anuman ang isuot, walang karapatan ang sinuman na mambastos sa isang babae.

Nitong nakaraang mga araw ay biglang bumulaga sa social media ang mga hinaing ng mga kandidata ng isang beauty pageant dahil sila diumano ay naging biktima ng sexual harassment sa ating bansa. Nakakalungkot kasi ang nasabing beauty pageant pa naman ay nagpapalaganap ng pag-aaruga sa ating kalikasan at nagpo-promote ng empowerment ng mga kababaihan.

Hindi rin magandang tingnan na sa ating bansa pa mismo nangyari ito kung saan may mga batas na tayo laban sa sexual harassment at maraming programa pa naman ang iba’t-ibang civil society organizations (CSOs) upang mabawasan at tulu­yang masawata ang mga kaso ng ganitong uri ng pambabastos sa ating mga kababaihan.

Hindi tayo puwedeng tumahimik na lamang at magbulag-bulagan lalo na ngayon at may mga hindi tamang mga biro tungkol sa panggagahasa, pambabastos sa kababaihan at iba pang mga statement ng matataas na opisyal ng gobyerno na hindi katanggap-tanggap sa pagsulong ng karapatang pangtao at karapatan ng kababaihan.

Nito lamang lunes ay nag-file tayo ng reso­lusyon sa Senado, ang Senate Resolution No. 932, kung saan nagpapatawag tayo ng im­bestigasyon sa insidente ng sexual harassment diumano na naranasan ng mga kandidata ng Miss Earth Pageant mula sa isa sa mga sponsor ng nasabing organisasyon.

Ninanais ng imbestigasyon na ito na magkaroon ng mga polisiya ang ating bansa na magsisiguro ng kaligtasan ng ating mga kababaihan o ang tinatawag na ‘safe space for all.’

Matatandaang matapang na nagpahayag ng kanilang disgusto ang mga kandidatang tulad nina Miss Canada Jamie Vandenberg, Miss England Abbey-Anne Gyles-Brown at Miss Guam Emma Mae Sheedy sa kanilang naranasang sexual harassment diumano sa isa sa mga sponsor ng Miss Earth Pageant na si Amado S. Cruz.

Ang nakakalungkot lang din dito ay ang pahayag ng Carousel Productions sa pa­nguguna ng kanilang E­xecutive Vice President na si Lorraine Schuck, ang nagpapatakbo ng nasabing beauty pa­geant, na nagkondena sa mga contestant dahil ipinahayag nila ito sa publiko at huli na raw nang sabihin diumano nila ito. Samantalang ang pahayag ng tatlong kandidata ay una palang ay nagsabi na sila sa mga organizer sa nangyaring pambabastos sa kanila.

Sa hearing ng kasong ito ay lilinawin natin ang mga pangyayari. Ang pagdinig na ito ay isa sa ating paraan upang maipahayag na kailanman hindi puwede ang anumang klaseng pambabastos sa ating kababaihan. Walang puwang sa isang demokratiko at progresibong lipunan ang anumang uri ng kabastusan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy