Una sa Balita

Kolumnista ng Abante maglulunsad ng aklat

0 49

MAGLULUNSAD ng ikalima niyang aklat si Abante Sunday columnist at University of Santo Tomas professor Dr. Joselito D. De Los Reyes sa Manila International Book Fair sa SMX MOA sa Setyembre 16, alas-dos hanggang alas-kuwatro nang hapon.

Ang aklat na may pamagat na ‘Finding Teo: Tula/Talambuhay’ ay biography ng dati ring Abante co­lumnist at makatang si Teo T. Antonio. Katatampukan ang okasyon ng book signing ng mismong may-akda. Nakatakdang magbibigay ang UST Publishing­ House, ang publisher ng aklat, ng diskuwento sa mismong okasyon.

Naging mahalagang bahagi ng aklat ang pagtalakay ng makata at manunulat na si Prof. De Los Reyes sa buhay ni Antonio noong siya ay sumusulat ng lingguhang kolum sa pahayagang ito sa paraang patula. Karaniwang may kinalaman ang pa­tulang kolum ni Antonio sa napapanahong isyu noong dekada ‘80 mula sa politika, panganga­laga sa kalikasan, showbiz, hanggang sa sports.

Muling ilulunsad sa Oktubre 2, 2018 ang ‘Finding Teo: Tula/Talambuhay’ sa University of Santo Tomas sa ilalim ng programang UST Authors’ Series na pinanga­ngasiwaan ng UST Center for Creative Writing and Li­terary Studies. Kasalukuyang chairperson ng UST Literature Department si De Los Reyes.