Una sa Balita

Koleksiyon ng credit investigator nilimas ng holdaper

By
0 146

Naubos ang maghapong koleksiyon ng babaeng credit investigator matapos holdapin ng isang lalaki sa Valenzuela City, kamakalawa nang hapon. 

Namumutla pa  sa takot nang magtungo kay P/Insp. Edwin Maalay, commander ng Police Community Precinct (PCP) 2 ang biktimang si Mary Beth Gatchalian, 33-anyos, credit investigator ng Savory Fil Finance, naninirahan sa  No. 330 Camalig St., Meycauayan, Bulacan. 

Kuwento ng biktima, bandang alas-2:40 nang hapon, sakay siya ng kanyang service motorcycle galing sa panini­ngil sa kanyang mga kliyente. 

Pagsapit nito sa E. Misa St., Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City, hinarang siya ng lalaki na sakay ng motorsiklo na for registration ang plate number at tinutukan daw siya ng baril at nagsabi ng “Holdap ‘to ilabas mo lahat ang pera mo at cellphone!” 

Sa takot ng babae bumaba ito ng motorsiklo at ibinigay ang P4,860 na koleksiyon niya at pati na ang kanyang cellphone. 

“Pagkakuha po ng pera at cellphone ko, sumakay na po ng motor ‘yung lalaki, ako naman nagpunta sa PCP 2 kasi baka abutan pa nila ‘yung holdaper,” ani Gatchalian. 

Binaybay ni Maalay ang lugar na dinaanan ng holdaper pero hindi na ito nakita.