Una sa Balita

Koko nanawagan ng proteksyon sa sakahan, pagpapalawak sa crop insurance

0 58

Inihayag ni Senate committee on trade, commerce and entrepreneurship Chairperson Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Linggo ang planong pagpupulong sa mga pangunahing may kinalaman sa industriya ng pasiguro upang pag-usapan at magbalangkas ng mga panukala na magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga Pilipinong magsasaka, lalong-lalo na laban sa mapanirang epek­to ng mga bagyo at natural na kalamidad.

Ang nasabing hakbang ay isasagawa upang lalo pang isa­ayos ang kasiguruhan sa suplay ng pagkain sa bansa.

“Partikular na bibigyan natin ng pansin ang crop insurance o pasiguro sa mga pananim at iba pang mga paraan upang bigyan ng karagdagang kapangyarihan ang mga magsasaka sa pagtugon sa pabago-bagong klima at ang masasamang epekto nito sa produksyon. Kailangan natin ng pagpapaigting ng pangmatagalang mga hakbang upang maging popular ang crop insurance sa kasalukuyang paggamit nito,” ayon sa mambabatas mula Mindanao.

 Ang pagsasailalim ng mga produktong sakahan sa insurance noon, paliwanag ni Pimentel, ay pangunahing mandato ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), isang ahensiya sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA).

 “Ang PCIC ay nagbibigay ng insurance laban sa mga pagkalugi dahil sa natural na kalamidad, sakit at pes­teng nananalasa sa mga pananim. Nagbibigay din ito ng proteksyon sa mga kagamitang pansakahan kagaya ng mga makinaryang pang-agrikultura, mga gamit sa bukid, mga pasilidad pangtransportasyon at iba pang mga pag-aari.”

 Ang problema, ayon kay Pimentel, ay ang limitadong naaabot at mga pagkukunan ng pondo ng nasabing ahensya.

 “Dalawang problema ang agarang nakikita natin. Una, walang sapat na edukasyon tungkol sa crop insurance para sa ating mga magsasaka, maliban sa pangangailangan nito sa agri financing. Pangalawa, sa ganang akin, halos walang partisipasyon ang pribadong sektor sa larangang ito ng pasiguro. Tanging ang PCIC ang gumagawa nito. Kaya nais nating palawakin ang pakikilahok dito sa usapin ng crop insurance.”

 Batay sa datos ng DA, pinuna ni Pimentel na ang pinakahuling kalamidad sa bansa dala ng Bagyong Ompong ay umabot sa P26.7 billion ang pagkaluging dala sa sektor ng agrikultura, ang pinakamataas na pagkalugi mula nang manalasa ang Bagyong Yolanda noong 2013.