Una sa Balita

Koko: I-decongest ang NAIA, paunlarin pa ang ibang hub

0 306

Muling ipinanawagan ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang kanyang dalawang taong pakiusap na mag-full blast sa pagpapaunlad ng iba pang air transport hubs kagaya ng Clark International Airport matapos ang aksidente sa paglapag ng isang international carrier sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naging sanhi ng malubhang pagkabalam at kanselasyon ng local at foreign flights.

“Hindi tayo maaaring magpatumpik-tumpik. Ginawa ko na ang pana­wagang ito noon pang 2016. Huwag na tayong maghintay ng panibago pang airplane incident na nakaperhuwisyo sa libo-libong pasahero para lamang mapagtanto na kinakailangan na ang aga­ran at komprehesibong plano ng gobyerno na mai-decongest ang NAIA,” paha­yag ni Pimentel.

Dumausdos palabas ng runway ang Xiamen Airlines passenger plane noong Agosto 16 habang kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan. Ligtas namang nakababa ng eroplano ang may 157 pasahero at walong flight crew.

Gayunman, nagdulot ito ng napakalubhang pagkabalam at kanselasyon ng mga flight sa dala­wang magkasunod na araw dahil kinakailangan pang alisin ng mga awtoridad ng paliparan ang nabalahong eroplano sa runway.