Una sa Balita

Know yourself

0 335

Noong nakaraang Miyerkoles, ­sinubukan natin ang isang ­visioning exercise na rocking chair life vision. Marami pang pamamaraan para ungkatin ang personal ­vision natin tulad ng vision board, wheel of life, note to self/write a letter to yourself. Pag-uusapan natin ang mga technique na ‘yan sa mga susunod na pitak.

Nagbalik-tanaw tayo sa nakaraan pabalik sa buhay natin nong ­20-anyos tayo.

Mayroon ka bang nakita ­tungkol sa iyong hinaharap hanggang sa ­maging 90-anyos ka? Nakilala mo ba ng lubos ang iyong sarili?

Kasunod ng visioning ay self-awareness. Nakasentro sa malalim na pagkakakila sa ating pagkatao ang anumang balak o nais natin sa ­buhay. ­Minsan, marami tayong nasa puso’t isip ngunit mayroong pagkakataon na hindi natin ­maiugnay ito sa gawa o sa katotohanan. Mayroong hadlang na pumapagitna at nasisira nito ang plano, kaya hindi natin nakakamit ang ating pangarap.

Kung susuriin, lahat ng aking nabanggit ay nakaangkla kung kilala mo na ba talaga ang iyong sarili o kung sino ka. Kaya dapat itong pagtuunan ng pansin. Pinapalakas ng self-awareness ang paghanap natin ng kasagutan o lunas sa ating mga pinagdaraanan. Hinahasa rin tayo nito na tanggapin ang mas mabibigat na responsibilidad na maging matagum­pay sa mga nais natin sa kinabukasan at magkaroon ng tamang pananaw sa anumang pagsubok sa buhay.

Hayaan niyo sana ako na ibahagi ang aking sariling ­karanasan. Naengganyo ako na tahakin ang landas ng isang pagiging ­tagasanay, tagapagturo at tagapayo dahil sa mga pinagdaanan ko sa aking personal na buhay at sa aking karera.

Hindi naman lubhang kahanga-hanga at lalong hindi ­perpekto lahat ng aking nagawa sa loob ng 20 taon ng aking buhay pero nakilala ko nang lubos ang aking sarili at kung sino ako sa pamamagitan ng know yourself exercise para self-awareness. Napakaraming pagsubok at paliko-likong landas ang aking naranasan at ang sa maraming pagkakataon mayroon pang ­naglalakihang bato na bumabalakid sa aking dinaraanan. Bukod diyan ay nagbalik-alaala ako noong Grade 1 pa lamang at namangha ako na sa munti kong gulang nagsimula na akong maging lider (class president) ng aming klase.

Nagpatuloy ‘yan noong hayskul hanggang kolehiyo. Lahat ng naranasan ko ay nagkaroon ng malaking ambag sa aking kasalukuyan. Nadala ko ang mga karanasan na ‘yan hanggang sa ­aking mga nakalipas na trabaho, hinawakang posisyon, at ngayon sa ­aking negosyo. Kung bakit ba naman hanggang sa ngayon ay ­nalilinya ako sa ganitong gawain ay hindi ko naman sinadya at lalong ‘di ko kayang ipaliwanag. Ngunit sa awa ng Diyos, sa ­aking palagay ito ay ang nais kong tahakin na buhay na alam kong magpapa­saya at magpapaligaya sa akin.

Sa totoo lang, alam ko na marami pa rin na blind spot na tila ma­labong paningin na humahadlang para makita ko ang tunay na kasagutan o katugunan sa aking mga tanong sa buhay. Marami pa rin ako na mga habit na nagdadala sa akin sa landas na hindi naaayon sa aking pagtanaw sa aking buhay sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Halimbawa sa isang Grab driver na gumagamit ng Waze, mayroong lugar na matrapik at bako-bako ang daan na sinasabi ng app na iwasan at sundan niya lamang ang tamang direksyon ng Google map para mas madali niyang mara­ting ang kanyang patutunguan at hindi ­maligaw ng landas.

Sa daan din ng ating buhay habang tayo ay nagmamaneho, kontrolado natin ang manibela at preno. Ngunit mayroong lugar na madilim at ‘di tayo pamilyar kaya nalulubak o nawawala tayo. Kadalasan pa ay ­napakabilis o napakabagal ng ating pagpapatakbo, ­laging kulang sa salida o kaya ay atras-abante o ­puwede rin na paikot-ikot lang.

Tinamaan ka na rin ba ng paulit-ulit at ­pabalik-balik na mental script o ­behavioural pattern na sumisira sa iyong diskarte at ­pananaw sa buhay? Handa ang isang life coach na tulungan kayo sa usaping ito. Sali na sa ating kuwentuhan sa susunod na Miyerkoles.

***

Kung mayroong katanungan ukol sa Life Coaching o mayroong kuwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com o magtext sa 0917-5332322. Si Alex “Lex” Rosete ay isang Certified Life Coach mula sa Life Coach Philippines. Isa rin syang guro, trainer at consultant sa communication, human ­resources management at public administration.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy